Ex-PDEA official timbog sa drug raid

DATING opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang inaresto kasama ang isang Chinese national sa isang drug bust operation sa Maynila Huwebes ng madaling araw.

Gayunman, nanindigan si Lt. Col. Ferdinand Marcelino na isang legitimate intelligence project umano ang ginagawa niya nang siya ay dakpin ng mga otoridad.

Nakuha sa Chinese national at di umano kay Mercelino ay mahigit P300 milyong halaga ng shabu.

Ayon kay Marcelino, na nagsilbi bilang dating direktor ng Special Enforcement Service ng PDEA, na hindi siya sangkot sa illegal drug operation na nasakote ng pinagsanib na pwersa ng PDEA at Philippine National Police sa Felix Huertas corner Batangas streets sa Sta. Cruz, Manila.

“Wala akong dapat itago, wala akong kasalanan,” ayon kay Marcelino matapos siyang iiwas sa mga reporter nang iharap siya sa media sa Camp Crame.

“It’s a legitimate project. It’s an intelligence project. We were there to verify information,” dagdag pa ng dating opisyal.

Sinabi rin ni Marcelino bakit hindi siya hayaang magsalita at magpaliwanag sa harap ng media hinggil sa nasabing isyu.

“Pinangalanan ako so karapatan ko rin ipaliwanag ang side ko. Bakit nila kami pinipigilang magpaliwanag?” giit nito.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi naman ni dating PDEA Director General Dionisio Santiago na inaasahan niyang lulutang ang mga opisyal ng iba’t ibang government agencies para patunayan na gumagawa pa rin si Marcelino ng operasyon laban sa ilegal na droga.

Pahayag ni Santiago na kabilang si Marcelino sa drug bust operation na ikinadakip ng anim na Chinese national kamakailan lang nang salakayin ang isang shabu laboratory sa Camiling, Tarlac, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng P3 bilyon halaga ng shabu.

“Maraming operation na siya (Marcelino) ang kumikilos, pero hindi siya pumapapel, yung Tarlac siya ‘yun. Sya ang nagbi-briefing sa presidente ng mga operation niya eh,” dagdag pa ng dating hepe ng PDEA.

 

Read more...