INAASAHANG magiging hitik sa aksyon ang ikatlong paghaharap nina multi-titled world boxing champion Manny Pacquiao at Timothy Bradley sa pagdaragdag ng mga matitinding undercard sa kanilang salpukan na gaganapin sa Abril 9.
Bagaman aminado si Top Rank promoter Bob Arum na mahirap ibenta ang labanang Pacquiao-Bradley III sa pay-per-view o sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada, USA sinisiguro nito na marami ang manonood sa pagtatakda ng star-studded na pay-per-view undercard.
Ilan sa mga magpapainit sa tampok na Pacquiao-Bradley III ang pagsagupa ni featherweight Oscar Valdez at junior welterweight Jose Ramirez gayundin ang dalawa pang kilalang pangalan na kumpirmado na ring tutuntong sa apat na sulok ng ring.
Kinumpirma mismo ng Top Rank ang mga magsasagupa sa undercard sa pangunguna ni Valdez (18-0 at 16 knockouts) na sasagupain ang dating featherweight titleholder na si Evgeny Gradovich (21-1-1, 9 KOs) sa isang 10-round fight.
Ang 25-anyos at dating two-time Olympian na si Valdez ay kinukunsidera na susunod na magdodomina matapos maging No. 1 sa featherweight.
Ang wala ring talo na si Ramirez (16-0, 12 KOs) ang isa sa inaasahang hahatak ng pansin bilang No. 1 ranked sa pagsagupa nito sa beteranong si Manuel Perez (25-11-1, 6 KOs).
Ilan pa sa sasabak sa undercard ang Lithuanian welterweight na si Egidijus Kavaliauskas (11-0, 10 KO), na nasa No. 4 sa welterweight at ang mula Ukraine na si Oleksandr Gvozdyk (8-0, 6 KO), na No. 4 light heavyweight.
Sinimulan naman nina Bradley, ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) welterweight champion, at Pacquiao ang US press tour para sa kanilang ikatlong paghaharap kahapon.
Ang mga ticket para sa Pacquiao-Bradley III, na may halagang $150, $250, $400, $600, $800 at $1200 sa ringside, ay nakatakda namang ibenta simula bukas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
