Westbrook bumida sa panalo ng Oklahoma City Thunder kontra Miami Heat

OKLAHOMA CITY — Itinala ni Russell Westbrook ang kanyang ikalawang sunod na triple-double para tulungan ang Oklahoma City Thunder na talunin ang Miami Heat, 99-74, sa kanilang NBA game kahapon.

Si Westbrook ay nagtapos na may 13 puntos, 15 assists at 10 rebounds. Ito naman ang kanyang ikalimang triple-double ngayong season at ika-24 sa kanyang career.

Si Kevin Durant ay nagdagdag ng 24 puntos at 10 rebounds, si Serge Ibaka ay umiskor ng 19 puntos at si Dion Waiters ay nag-ambag ng 18 para sa Thunder, na naging ikatlong koponan na umabot sa 30 panalo ngayong season.

Si Dwyane Wade, na hindi pinaglaro noong Sabado kontra Denver Nuggets bunga ng namamagang balikat, ay pinamunuan ang Heat sa ginawang 22 puntos. Si Hassan Whiteside ay nagtala ng 14 puntos, 11 rebounds at apat na blocks para sa Heat.

Ito ang pinakamababang puntos na iniskor ng Heat ngayong season at pinakakonting puntos na hinayaan ng Thunder.

Spurs 112, Mavericks 83
Sa San Antonio,  umiskor si LaMarcus Aldridge ng 23 puntos para sa San Antonio Spurs na dinurog ang Dallas Mavericks para manatiling walang talo sa kanilang homecourt.

Itinala ng Spurs ang franchise-best 24-0 record sa kanilang homecourt at nagwagi ng 33 diretsong laro sa AT&T Center magmula pa noong Marso 2015. Sa kasalukuyang record nitong 36-6, tinapatan ng San Antonio ang kanilang best start matapos ang 42 games na tumabla sa markang itinala nila noong 2010-11 season.

Nawala sa Spurs si Tony Parker sa huling bahagi ng ikatlong yugto bunga ng pamamaga sa baywang.
Pinamunuan ni Wesley Matthews ang Dallas sa ginawang 12 puntos.

Rockets 112, Lakers 95
Sa Los Angeles, kumana si James Harden ng 31 puntos para sa Houston Rockets na biglang kumawala sa laro para talunin ang Los Angeles Lakers.

Gumawa si Dwight Howard ng 14 puntos at 15 rebounds para itala ang ikasiyam na diretsong double-double.

Pinangunahan ni Lou Williams ang Los Angeles sa iniskor na 20 puntos. Si Kobe Bryant ay umiskor ng limang puntos at tinapatan ang kanyang season high siyam na assists.

Nuggets 129, Pacers 126
Sa Denver, tumira si Randy Foye ng go-ahead 3-pointer may 21 segundo ang nalalabi sa laro para ihatid ang Denver Nuggets sa pagwawagi laban sa Indiana Pacers.

Nagawang makabangon ang Nuggets sa second half para mahablot ang ikapitong sunod na panalo sa kanilang homecourt laban sa Pacers.

Si Danilo Gallinari ay umiskor ng 23 puntos habang si Will Barton ay nag-ambag ng 21 puntos para sa Nuggets.

Read more...