PNP balat-sibuyas

KAMI lang ba o sadyang nagiging over-protective na ang Philippine National Police sa kanilang image?
Noong isang linggo ay nagreklamo ang PNP sa Movie and Television Review and Classification Board matapos mag-ala-macho dancer ang bidang aktor sa teleseryeng “On The Wings Of Love” ng ABS-CBN habang nakauniporme ng pulis.
Suot ni James Reid ang uniporme ng PNP general na may badge ng Quezon City Police District at may ranggo ng SPO4.
Giit ng spokesman ng PNP na si Chief Supt. Wilben Mayor: “The PNP uniform cannot be used just like that, especially if it is degrading and does not reflect a policeman’s work and duties. It does not mirror a policeman’s duty. The PNP uniform is sacred to policemen and policewomen.”
Dahil sa pagmamarakulyo ng mga opisyal ay agad namang humingi ng paumanhin ang ABS-CBN. Wala raw intensyon ang programa na bastusin ang “kasagraduhan” ng uniporme ng pulis.
Naiintindihan namin kung magreklamo sila sa mga pelikulang aksyon noong 80s at 90s kung saan tanging mga iskalawag ang kalaban ng bida, pero ang pagpapa-cute ng isang teeny-bopper sa TV na nakauniporme ng pulis? Masyado naman yatang balat-sibuyas ang kapulisan natin.
Napanood kaya nila ang pelikula ni Coco Martin, ang “good cop” sa isa pang teleserye ng ABS-CBN, na “Kinatay” na ipinalabas ilang taon na ang nakararaan?
Masahol ang pagkakalarawan sa mga pulis at mga nag-aaral ng pagpupulis doon. Di lang sila mga adik at korap doon, mga “matadero” din sila sa mga di sumusunod sa kanila.
Parang wala man lang kaming narinig na reklamo tungkol sa pelikula mula sa kanila.
At isa pa, wala rin silang imik kapag ipinapakitang maraming asawa ang isang pulis sa TV at pelikula. Di ba halos lahat ng mga true-life story ng mga opisyal ng pulis, hindi lang iisa ang leading lady at mga anak sa labas? Maganda siguro sa image ‘yon ng PNP.
Kung talagang masidhi ang mga opisyal ng kapulisan na malinis ang kanilang image sa media at sa masa, i-pulis nila ang kanilang hanay.
Nitong mga nagdaang araw lang, maraming kabaro nila ang nakipagpaligsahan sa mga “ordinaryong” pusakal sa paggawa ng krimen.
Nariyan si PO1 Michael Sean Tabarangao na namaril nang malasing sa Caloocan kamakalawa; si Chief Insp. Adriano Junio Jr. ng Aviation Security Group na isa sa itinuturong nagtanim ng bala at nagtangkang mangotong sa Amerikanong si Michael Lane White; sina SPO1 Dante Surban at PO2 Sherwin Castaneda, kapwa ng Quezon City Police District, na nahu-ling nagbebenta ng nakaw na motor; si SPO2 Peejay Amboang ng Oroquieta City na huli sa aktong nagbebenta naman ng shabu; at sina PO3 Alex Alata Jr. ng Cainta Municipal Police Station at PO3 Michael Adongay ng Antipolo City Police na mga umano’y tulak ng droga at baril.
Sa dami ng mga tulad nila na hanggang ngayon ay namamayagpag pa, habang suot ang sagradong uniporme, mahihirapan talaga ang PNP na paputuin ang kanilang image.

Read more...