Nasawi ang isang abogado matapos pagbabarilin ng di pa kilalang salarin sa labas ng kanyang bahay sa Lipa City, Batangas, kahapon.
Ikinasawi ni Socrates Hermoso, 51, ang mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Naganap ang pamamaril dakong alas-10:20 ng umaga sa labas ng bahay ni Hermoso sa Villa Monica Subdivision, Brgy. Lodlod.
Kadarating lang ni Hermoso at misis niyang si Josephina mula sa grocery, lulan ng kanilang Nissan Sentra (WGB-875).
Habang ibibababa ng mag-asawa ang kanilang mga pinamili, nilapitan si Hermoso ng isang lalaking sakay ng motorsiklo.
Napansin ito ng abogado kaya nanakbo, pero hinabol at paulit-ulit na pinaputukan ng gunman, ayon sa ulat.
Isinugod pa si Hermoso sa Mary Mediatrix Hospital ngunit binawian ng buhay habang nilulunasan.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ang siyam na basyo, anim na slug, at isang bala ng kalibre-.9mm pistola.
Inaalam pa ng lokal na pulisya ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng salarin, na agad tumakas matapos ang insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
