AUBURN HILLS, Michigan — Kumana si Kentavious Caldwell-Pope ng 20 puntos para sa Detroit Pistons na pinatikim ang Golden State Warriors ng ikaapat na pagkatalo ngayong season, 113-95, sa kanilang NBA game kahapon.
Naging malaking tulong sa opensa ng Pistons ang ginawa ni Caldwell-Pope bagamat natoka itong bantayan sa depensa si Curry.
Ang Golden State star ay nakaiskor ng 38 puntos para sa Warriors (37-4) na umabot sa kalagitnaan ng regular season na kapos ng isang panalo para tapatan ang best 41-game start sa kasaysayan ng NBA. Ang 1971-72 Los Angeles Lakers at 1995-96 Chicago Bulls ay nagsimula na may 38-3 karta.
Niretiro rin ng Detroit ang No. 3 jersey ni Ben Wallace sa halftime at hawak ng Pistons ang 65-49 bentahe sa The Palace.
Si Andre Drummond ay nagtala ng 14 puntos at 21 rebounds habang si Reggie Jackson ay umiskor ng 20 puntos para sa Detroit.
Ang Pistons ay may anim na manlalarong umiskor ng double figures habang ang Golden State ay may tatlo lamang. Si Klay Thompson ay kumamada ng 24 puntos para sa Warriors.
Grizzlies 103, Knicks 95
Sa Memphis, Tennessee, tinalo ng Memphis ang New York sa unang laro ng dalawang koponan matapos na suspindihin ng NBA si Grizzlies forward Matt Barnes ng dalawang laro bunga ng pakikipag-away kay Knicks coach Derek Fisher noong Oktubre.
Si Barnes ay nagtapos na may dalawang puntos at siyam na rebounds sa 26 minutong paglalaro.
Si Marc Gasol ay gumawa ng 37 puntos at walong rebounds para tulungan ang Grizzlies na mauwi ang ikaapat na panalo sa limang laro. Tumira siya ng 15 for 29 mula sa field.
Pinamunuan ni Kristaps Porzingis ang Knicks sa ginawang 17 puntos habang si Kyle O’Quinn ay nagdagdag ng 15 puntos.
Kings 110, Clippers 103
Sa Los Angeles, nagtala si DeMarcus Cousins ng 19 puntos at 13 rebounds habang si Omri Casspi ay nag-ambag ng 17 puntos para sa Sacramento Kings na pinutol ang 10-game winning streak ng Los Angeles Clippers.
Si Casspi ay tumira ng 5 for 8 mula sa 3-point range.
Si J.J. Redick ay umiskor ng 22 puntos kabilang ang limang 3-pointers habang si Jamal Crawford ay nag-ambag ng 20 puntos para sa Clippers, na katabla ang pahingang San Antonio Spurs para sa longest active win streak sa NBA.
Si Cole Aldrich ay kumamada ng 19 puntos at 10 rebounds sa ikalawang laro bilang starter para sa Clippers.