P2K dagdag-pensyon wala nang pag-asa—Malacanang

pnoy aquino
MINALIIT ng Palasyo ang plano ng Kongreso na i-override ang desisyon ni Pangulong Aquino na i-veto ang panukalang batas na naglalayong dagdagan ng P2,000 ang buwanang Social Security System (SSS) pension.
Sa isang panayam, duda si Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma kung kaya pang baligtarin ang naging pag-veto ni Aquino.
“Mainam na isaalang-alang ng ating mga mambabatas ang kahalagahan na patatagin ang pondo ng SSS at tiyakin ang kasiguruhan ng pagbabayad ng benepisyo sa lahat ng mahigit 30 milyong miyembro nito,” sabi ni Coloma.
Ganito rin ang pananaw ng Kongreso, ani House majority leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II.
Aniya, base sa kasaysayan ng Kongreso ay wala pang panukala na na-veto pero na-override dahil “napakaibigat ng requirement ng Konstitusyon.”
Upang mabaliktad ang desisyon ng Pangulo ay kailangan ng 2/3 vote ng Kamara at Senado.
Ayon kay Gonzales, nang ipasa nila ang dagdag pensyon ay sinamahan nila ito ng panukala upang magkaroon ng pagkakakitaan ang SSS at hindi ito malugi.
Ipinasa ng Senado ang dagdag pensyon subalit hindi ang panukala na magbibigay sa SSS ng bagong mapagkukuhanan ng pondo.

Read more...