SAN ANTONIO — Umiskor si Tony Parker ng 24 puntos at gumamit ang San Antonio Spurs ng matinding ratsada sa pagbubukas ng ikaapat na yugto para talunin ang Cleveland Cavaliers, 99-95, kahapon para manatiling walang talo sa kanilang homecourt ngayong season at maiganti ang dating pagkatalo sa kanilang arena.
Si Kawhi Leonard ay nagdagdag ng 20 puntos at 10 rebounds para sa San Antonio, na nanalo ng 10 sunod na laro sa kabuuan.
Si LeBron James ay gumawa ng 22 puntos habang si Tristan Thompson ay nag-ambag ng 18 puntos at 14 rebounds para sa Cleveland, na galing sa walong sunod na panalo.
Pinalawig ng Spurs ang kanilang home winning streak sa 23 laro ngayong season. Ang San Antonio ay nagwagi ng 32 diretsong laro sa kanilang homecourt magmula noong 2015.
Ang huling pagkatalo ng koponan sa kanilang homecourt ay laban sa Cavaliers noong Marso 12 noong isang taon kung saan si Kyrie Irving ay umiskor ng 57 puntos sa 128-125 overtime panalo.
Si Irving ay nalimita sa 16 puntos mula sa 6-for-16 shooting sa kanilang laro kahapon.
Bulls 115, 76ers 111 (OT)
Sa Philadelphia, kumana si Jimmy Butler ng career-high 53 puntos habang si E’Twaun Moore ay kinamada ang pito sa kanyang 14 puntos sa overtime para pamunuan ang Chicago Bulls sa panalo laban sa Philadelphia 76ers.
Nagtala rin si Butler ng 10 rebounds at anim na assists at tumira ng 15 of 30 field goals at 21 of 25 free throws para tulungan ang Bulls na putulin ang kanilang three-game losing streak. Siya rin ang naging kauna-unahang Chicago player na umiskor ng 50 puntos pagkatapos ni Jamal Crawford noong 2004.
Gumawa si Robert Covington ng 25 puntos habang si Ish Smith ay nag-ambag n 24 puntos para sa 76ers, na nahulog sa 4-37 record.
Hindi pinaglaro ng Chicago sina Derrick Rose (knee) at Pau Gasol (rest).
Raptors 106, Magic 103 (OT)
Sa London, umiskor si Kyle Lowry ng 24 puntos habang si Cory Joseph ay nagdagdag ng 19 puntos para sa Toronto Raptors na dinaig ang Orlando Magic sa overtime sa larong ginanap sa O2 Arena.
Si DeMar DeRozan ay kumana ng 13 puntos at 11 rebounds para tulungan ang Raptors na mapanalunan ang ikaapat na diretsong laro.
Si Victor Oladipo ay kumana ng 27 puntos at si Evan Fournier ay nag-ambag ng 21 puntos para sa Orlando na natalo sa ikaanim na pagkakataon sa pitong laro.
Si Nikola Vucevic, na nagtapos na may 17 puntos at 11 rebounds para sa Orlando, ay tumira ng last-second shot malapit sa halfcourt na tumalbog sa ring.
Grizzlies 103, Pistons 101
Sa Memphis, kumamada si Mario Chalmers ng 25 puntos, kabilang ang isang leaning 19-foot jumper may isang segundo ang nalalabi sa laro para ibigay sa Memphis Grizzlies ang pagwawagi laban sa Detroit Pistons.
Na-foul si Chalmers sa nasabing play at sumablay siya sa kanyang bonus free throw. Ang free throw niya ay mukhang hindi tumama sa ring at naubos ang oras kung saan ang mga manlalaro ng dalawang koponan ay naghabulan pa sa rebound.
Ang basket ni Chalmers ay nangahulugan naman na ang Pistons ay natalo sa dalawang laro kontra Memphis ngayong season mula sa isang late shot. Si Matt Barnes ay tumira ng halfcourt shot may 1.1 segundo ang nalalabi sa laro para ihatid ang Grizzlies sa 93-92 pagwawagi noong Disyembre 9.