Idineklara ng National Police ang pinakamataas nitong alert status matapos ang mga nakamamatay na pagsabog sa Jakarta, Indonesia ngayong araw.
Naglabas ang Directorate for Operations ng memorandum na nag-utos sa deklarasyon ng “full alert,” sabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP.
“Full alert status is declared effective this day,” aniya.
Sa ilalim ng pinakamataas na alert status, lahat ng pulis ay kailangang available para mag-duty at kadalasang kinakansela ang mga leave.
Matapos ang mga pagsabog sa Jakarta, nanawagan ang PNP at Armed Forces sa mga Pilipino na maging mapagmatyag.
“Our security forces are well aware of the emerging threat and have been conducting operations to prevent terror acts anywhere in the country. We appeal to the public to be extra vigilant and to help our security forces address the threat,” sabi ng dalawang ahensiya sa isang kalatas.
Bago ito, inulat ng foreign media na niyanig ng serye ng mga pagsabog ng bomba at putok ng baril ang isang pangunahing shopping at business street sa Jakarta.
Pito katao ang napaulat na napatay sa mga insidente.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung anong grupo ang nasa likod ng mga pinakahuling pagsabog sa Indonesia, na dati nang dumanas ng terror attacks na pareho at umano’y may kaugnayan sa mga nangyari sa Pilipinas. (John Roson)
– end –