ITO ang umagang pinakamahirap sa mga naiiwan ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang umagang meron silang hinahanap, meron silang nami-miss, hanggang du’n na lang dahil hindi na babalik ang pumanaw para muli nilang makasama.
Siguradong ganito ang pinagdadaanan ngayon ni Federico Moreno, ang kaisa-isang anak ni Kuya Germs, ito rin ang nararamdaman ngayon ng pinakamalapit niyang pamangkin na si John Nite.
“Itong suit na suot niya sa burol, ginamit ko ito sa ‘Bituing Walang Ningning’. He literally died in my lap,” kuwento ni John Nite habang hinahagod nang masuyo ang kabaong ng mahal nitong tiyuhin.
Tama ang komento ni Federico, “Paano mo makakalimutan ang taong nagbigay ng buhay sa iyo? Araw-araw, tumatawag siya, ‘Kumusta na kayo? Ang mga bata, kumusta sila?’
“Ang hindi ko pa alam, e, kung paano ko haharapin ang pagkawala ni papa. I have my wife and kids, they can comfort me, pero iba pa rin ang kumpleto kayo,” komento ng anak ni German Moreno.
At siguradong kapareho lang ng kanilang emosyon ang nararamdaman ngayon ng mga artistang natulungan ni Kuya Germs, lalo na ang mga kabataang palagi niyang kasama sa panghatinggabi niyang programa, maraming hindi makakalimot kay German Moreno.
Pero tapos na ang kanyang misyon sa mundo, ang tagapagdiskubre at tagapagpalaganap ng mga tagong talento ng mga kabataan, hindi siya nagdamot kahit kanino.
Natutulog na ngayon ang Master Showman sa bisig ng ating Panginoon.