BAWAT bansa ay may kanya-kanyang programa ng amnesty o “official pardon” o kapatawaran para sa mga dayuhang nananatili ng ilegal sa kanilang bayan.
Tulad na lamang sa Japan, may mga panahong halos bukambibig ng Pilipino doon ang taguring “bilog” o overstaying, katumbas ng TNT o Tago nang Tago sa ibang mga lupain.
Pero marami pa ring Pinoy na kahit kakaba-kaba na baka mahuli ng otoridad at mapa-deport, pinipili pa rin ng marami nating mga kababayan na manatili kahit pa ilegal alien, taglay ang kaisipang “bahala na” at saka na lang iisipin kung anong gagawin kung mahuhuli na sila.
Noong unang mga taon ng Bantay OCW, iba ang pagtingin ng ilan nating mga kababayan sa amnesty program, na maaaring nabago na ngayon. Negatibo ito para sa kanila.
Iniisip nilang puwedeng pamamaraan lamang o pakana iyon ng gobyerno ng bansang kanilang tinutuluyan upang sila ay lumantad at sumuko sa otoridad. Sa bandang huli, mapapauwi din naman sila sa pamamagitan ng proseso ng deportasyon. Kaya sa halip na samantalahin ang naturang programa, kinatatakutan pa nga nila ito.
Sa Kuwait ay may partial amnesty program na nagsimula nang ipinatutupad. Partial dahil kailangang magbayad ng multa sa bawat araw na ilegal na pananatili doon.
Kahit napakatagal pa nilang overstaying, itinatadhana naman ng batas ng Kuwait na hindi naman lalagpas sa 600 Kuwait dinar ang dapat bayaran bilang multa.
Gayong hindi paboritong destinasyon ang Kuwait para sa mga overstaying, kung mayroon man tayong mga kababayan na ilegal doon, samantalahin na sana nila ang programang ito.
Sa mga bansang tulad ng Amerika at mga bansa sa Europa, gagawin ng ating mga kababayan ang lahat, manatili lamang doon, kahit pa hindi sila makauwi nang mahabang mga taon hanggang “magka-papel” umano sila o magkaroon ng tamang mga dokumento upang maging legal.
May programa man o wala, hindi kailanman magiging tama ang pananatili nang ilegal sa isang bansang napiling pamuhayan at pagtrabahuhan.
Ang pananatili nang ilegal ay isang bagay na hindi aksidenteng nangyari lamang. Kusa o sinasadya ito.
Alam na alam nilang lantaran silang lumalabag sa mga batas na itinatadhana ng bansang iyon.
Katwiran pa nga ng iba, okay na munang mag-overstay hangga’t may pagkakaton pang makapagtrabaho at kahit papaano may hanapbuhay at perang maipadadala sa pamilya, kaysa naman sa Pilipinas na wala silang trabaho.
Ngunit maling katwiran iyon. Anumang maling gawain, kahit tama pa ang motibo kung bakit niya nagagawa iyon, mali pa rin!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghalii. Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
