Ipinahihimay ni direk Eric Matti sa House committee on Metro Manila Development ang pondo ng Metro Manila Film Festival na dapat ay ginagamit umano para matulungan ang mga nasa showbiz industry katulad ng mga cameraman.
Sa pagdinig, hiniling ni Matti sa chairman ng komite na si Quezon City Rep. Winston Castelo na malaman kung saan napupunta ang pondo na nalilikom ng MMFF sa 14 na araw na pagpapalabas ng napili nitong pelikula.
Sa halip na mapunta ang sinisingil na amusement tax sa mga lokal na pamahalaan kung nasaan ang mga sinehan na magpapalabas nito, ang pondo ay napupunta sa MMFF.
Sinabi ni Castelo na mayroon siyang hawak na ulat ng Commission on Audit na nagsasabi na mayroong paglabag sa paggamit ng pondo ng MMFF.
“Napakaimportante ng pangangasiwa ng pondo dito sa Metro Manila Film Fest sapagkat mayroon po kaming hawak na COA (Commission on Audit) report na for the last ten years ay mayroong discrepancy at mayroong violation na nangyayari,” ani Castelo.
Muling iginiit ni Matti na mali ang pagdiskuwalipika sa kanyang pelikulang Honor Thy Father na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz.
Hindi nakadalo si Cruz sa pagdinig kahapon dahil siya ay nasa Japan at kagabi pa lamang uuwi.
Sinabi naman ni Laguna Rep. Dan Fernandez na dapat maging malinaw ang panuntunan ng MMFF upang hindi na maulit ang nangyari sa Honor Thy Father na nadiskuwalipika sa best picture category dahil naipalabas na umano bago ang MMFF.
Pinagmatigasan naman ni MMFF chairman Emerson Carlos, chairman din ng Metro Manila Development Authority, na tama ang naging desisyon ng board at kung tutuusin ay magaan pa umano ang parusa na dapat ay hindi na naipalabas sa MMFF.
Sa unang bahagi ng pagdinig, hiniling ni Fernandez ang pag-aalay ng isang minutong katahimikan para sa namayapang si German Moreno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
