HINAMON kahapon ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon ang kampo ni Sen. Grace Poe na pangalanan ang mga miyembro ng poll body na umano’y nagkukuntsabahan para hindi makatakbo ang senador sa 2016 presidential race.
Sa isang panayam, sinabi ni Guanzon na binabanatan ng tagapagsalita ni Poe na si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang Comelec matapos namang hindi nito pinaboran ang senador kaugnay ng mga petisyon para makansela ang kanyang certificate of candidacy (COC).
Nauna nang sinabi ni Gatchalian na may mga personalidad sa Comelec na may sariling agenda laban kay Poe.
“Siya (Gatchalian) ang magpangalan sa amin. You name us. Puro kayo reklamo kasi talo kayo,” sabi ni Guanzon.
Idinagdag ni Guanzon na si Poe lamang ang nagrereklamo sa naging desisyon ng poll body.
“May mga kandidato na talo, hindi naman nagrereklamo. Kasi kandidato kayo for president. Anong magagawa namin kung hindi siya natural-born (citizen)? Anong magagawa namin kung hindi niya na-meet ang 10-year residency requirement?” giit ni Guanzon.
Idinagdag ni Guanzon na ipinapatupad lamang ng Comelec ang batas.
“Huwag kayo magsalita nang ganyan. Ang batas, inaaral yan. Dito tayo sa rule of law. Kung wala ang batas, ano na lamang ang mangyayari sa atin?” aniya.
Binatikos din ni Guanzon si Comelec Chairman Andres Bautista matapos siyang atasan na magpaliwanag kaugnay ng komento na isinumite sa Korte Suprema nang hindi umano kinukonsulta ang en banc.
“Ipangalandakan pa niya sa buong mundo na mali ako na tanga akong Commissioner, mali naman ata yon. He has no power over me. How dare he,” sabi ni Guanzon.