Miguel, Bianca na-shock sa pagpanaw ni Kuya Germs

miguel tanfelix

SHOCKED at naluha rin ang magka-loveteam na sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali nang malaman nilang patay na ang isa sa mga mentor nila sa showbiz na si Kuya Germs.

Hindi pa rin daw makapaniwala ang dalawang Kapuso young stars na wala na ang Master Showman lalo’t makakasama lang daw sila noong Dec. 31 sa ginanap na New Year Countdown ng GMA sa MOA.

Sa presscon ng bagong teleserye nina Miguel at Bianca sa GMA 7, ang Wish I May na magsisimula na sa Jan. 18 pagkatapos ng Eat Bulaga, natanong ang dalawa kung paano nila hinarap ang pagkawala ni Kuya Germs na isa nga sa mga tumatayong tatay-tatayan nila sa showbiz.

Sey ni Bianca, “Happy po ako kasi in a way nagkaroon kami ng chance na makasama for the last time si Kuya Germs sa pagsalubong pa ng bagong taon. Kaya talagang na-shock po kami na wala na po siya.”

Ayon naman kay Miguel, “’Di ba, naglalakad na si Kuya Germs, lumalabas na siya. Kanina, parang, ’Totoo ba ’to?’ Parang hindi pa rin kasi ako makapaniwala kasi nakasama lang namin siya sa GMA Countdown and tingin ko naman kay Kuya Germs that time, malakas na siya.”

Napakaraming natutunan ng magka-loveteam kay Kuya Germs, lalo na noong nagsisimula pa lang siyang gumawa ng sarili nilang mga pangalan sa mundo ng showbiz. Mas lalo pa raw silang napalapit sa TV host-comedian nang makasama nila mismo ito sa ilang workshops at sa teleseryeng Niño noong 2014.

Hindi raw talaga nagkulang sa paalala sa kanila si Kuya Germs para mas tumagal sa mundo ng entertainment. “Gusto ni Kuya Germs professional ka talaga on the set at kung paano ka makikitungo sa mga artista.

Marami ka po talagang matutunan kay Tatay Germs,” ani Miguel. Hirit naman ni Bianca, “At saka maging maintindihin ka sa lahat ng tao. Kasi, kapag nakikita mo si Kuya Germs, lagi siyang nakikihalubilo, e.

Kumbaga, napakabait niya, very approachable.” Dagdag pa ni Miguel, “At napaka-generous si Kuya Germs. Nakita niyo naman po nagtayo siya ng Master Showman Walang Tulugan para po sa mga nangangarap din pong maging artista.”

At para sa huling mensahe ni Miguel sa pagpanaw ng kanilang Tatay Germs, “Nagpapasalamat kami kay Kuya Germs kasi sine-share niya sa amin ‘yung lessons na natutunan niya dahil matagal na talaga siya sa industriyang ito. Naramdaman namin ang pagiging tatay niya talaga kaya maraming salamat po.”

Speaking of Wish I May, siguradong muli itong susubaybayan ng mga tagasuporta nina Miguel at Bianca dahil mataga-tagal din silang hindi napanood sa serye. Mapapanood na ito sa Jan. 18 after Eat Bulaga.

Ang Wish I May ay tungkol sa dalawang bagets na na-in love sa isa’t isa sa gitna ng mga pinagdaraanang pagsubok ng kani-kanilang pamilya nang dahil sa sakit na “chimerism”. Ito ay isang medical condition kung saan may dalawang sets ng DNA ang isang indibidwal.

Si Camille Prats ang gaganap na ina ni Bianca ngunit magkakahiwalay sila matapos siyang hiwalayan ng ama ng bata (Mark Herras) na makikipagrelasyon naman sa traydor niyang kaibigan (Alessadra de Rossi) na siyang tatayong ina ng kanyang anak.

Ngunit mamaltratuhin nito ang bata nang mamatay ang tatay nito. At sa pagbabalik ni Camille, gagawin niya ang lahat para mabawi ang kanyang anak ngunit matapos silang magpa-DNA test ng bata, nalamang hindi sila match.

Dito na malalaman na meron pala siyang “chimerism”. Paano pa niya mapapatunayan na siya ang tunay na ina ng batang inangkin ng kanyang best friend matapos hindi mag-match ang DNA nila?

‘Yan ang magiging big twist sa kuwento ng Wish I May na magpapagulo rin sa buhay ng mga karakter nina Miguel at Bianca. Makakasama rin dito sina Mark Anthony Fernandez, Glydel Mercado Rochelle Pangilinan, Neil Ryan Sese, Juan Rodrigo, Marni Lapuz, Ash Ortega, Sancho delas Alas at Prince Villanueva. Ito’y sa direksiyon nina Neal del Rosario at Mark Sicat dela Cruz.

Read more...