KUNG meron daw isang bagay na hinding-hindi malilimutan ni Jose Manalo sa pagtira niya nang mahabang panahon sa Tondo, ‘yun ay walang iba kundi ang pagiging drug user.
Inamin ni Jose nang makachika siya ng ilang members ng entertainment press bago magsimula ang premiere night ng pelikula nilang “D’Kilabots Pogie Brothers…Weh!” na ang pagkalulong sa droga noon ang laging nagsisilbing paalala sa kanya kung paano siya bumangon at nagtagumpay sa kanyang pagbabago.
Ayon sa TV host-comedian, bumalik daw ang lahat ng masasaya at pangit na alaala niya sa Tondo nang mag-shooting sila doon ng kanyang partner na si Wally Bayola para sa “D’ Kilabots”, “Yung mga nakaraan ko sa Tondo, na mga mali kong ginawa, ‘eto, maganda na ngayon.
Kaya dapat ingatan lahat ng mga bagay na dumarating sa buhay ng tao.”
Matagal nang wala sa Tondo si Jose, pero nandoon pa raw ang mga kamag-anak niya, “Lehitimo kaming taga-Tondo. Yung mga magulang ko, doon lumaki.
Ako, doon ako lumaki.
Umalis lang ako doon, actually, hindi umalis, lumipat lang dahil nagpahinga ng konti dahil nabisyo ako nung araw, gusto ko lang maalis.
“Naging user ako, naging user ako dati, 10 years akong naging user,” ayon pa kay Jose.
At nagpapasalamat nga raw siya sa Diyos dahil sa kabila ng mga nagawa niyang kasalanan, e, binigyan pa siya ng pangalawang pagkakataon.
“Totally, nu’ng umalis ako sa Tondo, umayos lahat.
Kasi ako na rin mismo, sinabi ko sa sarili ko, ayoko na. One day, stop ako.
Kasi alam ko, nag-start ako magbisyo mga 19 years old.
“Matagal na, huminto na ako, 1992, nu’ng bago ako pumasok sa Valiente.
Noong nakuha ako, nagpapahinga na ako ng mga time na ‘yun, e.
Sakto dumating naman yung ganitong oportunidad,” pahayag pa ng komedyante.
Pero aniya, wala naman daw kinalaman ang lugar na kinalakihan niya sa kanyang pagbibisyo, “Hindi naman kasalanan ng Tondo, ako ang may kasalanan nu’n, katawan ko ‘yun.
Wala sa lugar na tinitirhan ‘yan.
Siguro ikaw na rin ‘yun, ako na rin ang gumawa noon kaya naging ganoon ako.”