Dallas Mavericks nasilat ang Sacramento Kings sa double overtime

DALLAS — Naghulog si Deron Williams ng 3-pointer sa pagtunog ng buzzer sa ikalawang overtime para tulungan ang Dallas Mavericks na maungusan ang Sacramento Kings, 117-116, sa kanilang NBA game kahapon.

Ang panalo ay ang ika-22 sunod na pagwawagi ng Mavericks sa kanilang homecourt laban sa Kings.

Nakuha ni Williams ang inbounds pass mula kay Devin Harris may 2.3 segundo ang nalalabi at nag-pump fake para maiwasan si Rudy Gay tungo sa pagbuslo ng left corner triple na pumasok matapos tumunog ang buzzer.

Nagbuslo rin si Dirk Nowitzki ng tres para sa Mavericks na iniskor ang huling walong puntos matapos mapag-iwanan sa 116-109 may 1:20 ang nalalabi sa ikalawang overtime.

Umiskor naman si DeMarcus Cousins ng 35 puntos tungo sa kanyang ikatlong sunod na 30-point game para sa Kings, kabilang ang buzzer-beating layup para sa 98-all na pagtatabla sa pagtatapos ng regulation.

Bulls 117, Bucks 106
Sa Chicago, gumawa si Jimmy Butler ng 32 puntos at season-high 10 assists para pamunuan ang Chicago Bulls sa pagwawagi kontra Milwaukee Bucks at pagtala ng season-best ikalimang diretsong panalo.

Si Pau Gasol ay nagtala ng 26 puntos at 11 rebounds habang si Taj Gibson ay nagdagdag ng 11 puntos at 14 rebounds para sa Bulls.

Nagbalik naman si Derrick Rose para sa Bulls matapos na hindi makapaglaro ng tatlong sunod na laro bunga ng sore right hamstring. Hindi naman nakaapekto ang nasabing injury at nagtapos siya na may 16 puntos.

Umiskor si Khris Middleton ng 26 puntos para sa Milwaukee habang si Michael Carter-Williams ay nag-ambag ng 20 puntos at 12 assists.

Knicks 107, Hawks 101
Sa Atlanta, sina Arron Afflalo at Carmelo Anthony ay gumawa ng tig-23 puntos para sa New York na nagawang mapigilan ang Atlanta para itala ng Knicks ang ikalawang panalo sa Hawks sa loob ng tatlong araw.

Nakalamang ang Knicks ng 16 puntos sa ikatlong yugto subalit natapyas ito sa dalawang puntos sa huling minuto bago nakaiskor si Jose Calderon sa kanyang drive may 18 segundo ang natitira sa laro.

Si Kristaps Porzingis ay nag-ambag ng 17 puntos at 11 rebounds para sa New York. Si Anthony ay nagtapos na mayroon ding 11 rebounds at pitong assists.

Pinamunuan ni Paul Millsap ang Atlanta sa ginawang 19 puntos.

Warriors 109, Lakers 88
Sa Los Angeles, ginawa ni Klay Thompson ang 22 sa kanyang 36 puntos sa unang yugto habang si Stephen Curry ay nagdagdag ng 17 puntos para sa Golden State Warriors na tinambakan ang Los Angeles Lakers.

Hindi nakapaglaro para sa Lakers si Kobe Bryant sa ikatlong sunod na laro bunga ng iniindang pamamaga sa kanang balikat.

Read more...