Pacquiao magreretiro na raw pagkatapos ng Bradley fight

KUNG paniniwalaan ang kanyang sinabi ay malabo nang maisakatuparan ang rematch ni Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather Jr.
Sa panayam ng AFP sa Kongresista ng Sarangani sa kanyang tahanan sa Gen. Santos City ay sinabi ni Pacquiao na magreretiro na siya pagkatapos ng kanyang ikatlong laban kay reigning WBO welterweight champion Timothy Bradley na itinakda sa Abril 9.
Dagdag pa ni Pacquiao, nais niyang pagtuunan ng oras at pansin ang kanyang political career. Siya ay tumatakbo sa pagka-Senator sa darating na halalan sa Mayo.
“I am retiring from boxing to concentrate on my political career. My fight with Timothy Bradley will be my last,” sabi ng 37-anyos na si Pacquiao.
May bali-balita kasi na nag-uusap ang mga kampo nina Mayweather at Pacquiao para sa muling pagtatagpo na posibleng ganapin bago matapos ang taon o di kaya ay sa unang bahagi ng 2017.
Pinabulaanan ito ni Pacquiao.
“I did not say anything like that. Nobody interviewed me about that. I will retire after my April 9 fight,” aniya.
Nagsagupa sina Pacquiao at Mayweather noong Mayo at natalo ang idolo ng mga Pinoy sa pamamagitan ng unanimous decision. Lumaban si Pacquiao noon bagaman may inindang injury sa balikat (torn rotator cuff) na kanyang pinaopera pagkatapos na matalo sa laban.
Bagaman hindi pa opisyal na naghahanda para sa kanyang huling laban kontra Bradley ay kampante ang tinaguriang “Pambansang Kamao” na mananalo siya sa sagupaang iyon.
Unang nagharap sina Pacquiao at Bradley noong Hunyo 2012 kung saan binugbog ng suntok ni Pacquiao si Bradley sa buong laban ngunit natalo para rin ng split decision.
Muli silang nagharap noong Abril 2014 at nagtala ng unanimous decision victory si Pacquiao para patunayan sa mundo na siya talaga ang nanalo sa una nilang laban.
Si Pacquiao ay may ring record na 57 wins, 6 losses, 2 draws at 38 knockouts habang ang 32-anyos na si Bradley ay may 31-1-1 (13 KOs) kartada.
Sa huling survey para sa mga senatorial candidates, si Pacquiao ay nasa ika-7 puwesto.
“My survey rankings have been consistent and I expect it to improve once the campaign starts,” aniya.
Binatikos si Pacquiao sa madalas niyang pag-absent sa Kongreso. Noong isang taon, apat na araw lang siyang pumasok sa Kongreso.
Nangako naman siya na dadalo na siya sa mga Senate hearings sakaling palarin siya at manalo sa darating na eleksyon.
Bukod sa pagiging pulitiko, si Pacquiao ay lumalabas din sa telebisyon at pelikula bukod sa pagiging sikat na product endorser at pastor sa isang born-again Christian group. — AFP

Read more...