2 bata patay,1 pa sugatan sa sunog

BUKIDNON
Dalawang batang babae ang nasawi habang isang batang lalaki ang nasugatan sa sunog sa isang bahay sa Maramag, Bukidnon, kagabi, ayon sa pulisya.

Nasawi sina Reza Mae Paas, 9, at Angela Paas, 7, habang sugatan ang 9-anyos na si Renzo Corpuz, sabi ni PO2 Leslie Jun Costales, ng Maramag Police.

Naganap ang insidente sa bahay ng isang Rosendo Corpuz sa Purok 9-B, Brgy. North Poblacion.

Nagsimula ang sunog sa bahay ni Corpuz dakong alas-9:30 at naapula ng mga bumbero alas-10:45, sabi ni Costales nang kapanayamin sa telepono.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-umpisa ang sunog sa silid ni Corpuz, kung saan nakita ang bangkay ng dalawang nasawi, ani Costales, gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa Bureau of Fire Protection.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog, bagamat may ulat sa radyo na pinaniniwalaan na sa may sinding “katol” nagmula ang apoy.

Di tuluyang naabo ang bahay ni Corpuz, pero nagdulot ang sunog ng aabot sa P1 milyon halaga ng pinsala sa ari-arian, bukod sa mga nasawi at nasugatan, ani Costales.

Read more...