Lalahok sa prusisyon ng Itim Na Nazareno inaasahang lalagpas ng 12M

nasareno
NANAWAGAN ang pamunuan ng simbahan ng Quiapo sa mga deboto na panatiliin ang kaayusan sa prusisyon sa Sabado kung saan inaasahang aabot sa mahigit 12 milyon ang lalahok.

Sa isang press conference, bagamat hindi nagbigay ng numero ng mga lalahok ng mga deboto para pagdiriwang ng Itim Na Nazareno ngayong taon, sinabi ni Rev. Msgr. Hernando Coronel, rector ng Simbahan ng Quiapo, na inaasahan nila na mahihigitan ng mga dadalo ngayong Sabado ang naitalang rekord na 12 milyon noong isang taon.

“Taun-taon naman dumadami ang debosyon. Our strength is numbers. Marami na last year, madadagdagan pa this year,” sabi ni Coronal sa isang briefing sa Pope Benedict building sa Quiapo, Maynila.

Nanawagan si Coronal sa mga lalahok na iwasan na itulak ang ibang deboto at magbigay daan sa prusisyon para makaiwas sa mga aksidente.

“Magbigayan tayo sa isa’t isa. Alam nating gusto nating makalapit pero isipin natin ang kapwa natin deboto. ‘Wag tayong magbalyahan,” sabi ni Coronal.

Samantala, nanawagan si Manila Police District Director Rolando Nana sa mga deboto na iwasan ang pagdadala ng mga backpack, matutulis na payong, bull cap, mga paputok at mamahaling alahas.

Sinabi naman ni Manila Vice Mayor Franciso “Isko Moreno” Domagoso na hindi papayagan ang mga debotong lasing na lumahok sa prusisyon.

Hindi rin pinapayuhan ang mga buntis, may mga kapansanan at mga bata na lumahok sa prusisyon. Inquirer.net

Read more...