Claudine, Cesar, Richard, Boyet, Ogie may mga bonggang pasabog sa TV5 pagpasok ng 2016

claudine barretto

TULOY na tuloy na ang pagbibida ni Claudine Barretto sa pinakabagong teleserye ng TV5 na isa sa magiging pambuena-manong pasabog ng Kapatid network sa pagpasok ng Bagong Taon.

Wala pang offer ang ABS-CBN kay Claudine kaya raw tinanggap na niya ang TV remake ng Bakit Manipis Ang Ulap? kung saan makakasama niya ang isa pang Kapamilya star na si Diether Ocampo.

Nauna nang napanood si Diet sa dalawang Wattpad Presents episode ng TV5 nitong nakaraang Nobyembre, kung saan nakasama niya sina Ritz Azul at Sam Pinto. Actually, si Derek Ramsay ang dapat magiging leading man ni Claudine sa nasabing proyekto ngunit balitang hindi ito tinanggap ng Kapatid actor.

Makakasama rin sa Bakit Manipis Ang Ulap? si Cesar Montano. Ang paggawa ng serye ni Claudine sa Singko ay bahagi ng kanyang pagiging Viva contract artist. Alam naman ng lahat na ang Viva big boss nang si Vic Del Rosario, Jr. ang nagsisilbing chief strategist ng TV5.

Bukod sa serye nina Claudine at Diet, dapat ding abangan ng madlang pipol ang pagbabalik sa TV ni Richard Gutierrez. Siya naman ang napili ng mga bossing ng TV5 para magbida sa TV remake ng “Ang Panday” ni Fernando Poe Jr..

Makakasama rito ni Richard sina Bangs Garcia, Regine Tolentino, Jasmine Curtis, Boyet de Leon at Alonzo Muhlach. Ka-join din dito ang kapatid ni James Reid na si Jack Reid.

Samantala, bukod sa mga dating programa at mga bagong serye, muling magkakaroon ng talent search ang TV5 at Viva Entertainment, ang Born To Be A Star hosted by Ogie Alcasid. Hahanapin ng Kapatid network ang next multimedia star sa reality talent search na ito.

Ayon kay TV5 Artist Center head Bebong Muñoz bibigyan nila ng pagkakataon ang lahat ng talented Pinoy na maibandera sa buong mundo ang kanilang kakayahan na makapagpaligaya at makapag-entertain, “From the ’80s, Sharon Cuneta, Regine Velasquez, Sarah Geronimo, Nadine Lustre, so the next one, born to be a star!”

Sa mga hindi pa nakakaalam, si Sarah ay produkto ng Viva Entertainment’s 2003 reality search na Star For A Night. Siyempre, hindi pa rin mawawala ang mga flagship programs ng Singko sa pagpasok ng 2016, tulad ng Wattpad Presents, Parang Normal Activity, LolaBasyang.com, Hi5! at Happy Truck Ng Bayan.

Ayon pa sa isang source, balak ding ibalik ng TV5 at Viva ang 2000 horror-drama anthology na Kagat Ng Dilim ni direk Erik Matti.

Read more...