Sana sa 2016

SIYAM sa 10 Pilipino sa halos lahat ng rehiyon at social class ang naniniwalang mas may pag-asa ang taong darating.

Ito ay base sa survey na isinagawa ng Pulse Asia noong Disyembre 4 hanggang 11, sa may 1,800 respondent sa buong bansa.

Mayorya sa kanila ang naniniwala na mas magiging mahusay ang darating na taon sakabila ng mga mabibigat na problema at pagsubok na si-nuong nitong lilipas na 2015.

Hindi nagkakaiba ang sentimyento ng mga taga-Luzon sa mga nakatira sa Visayas at sila na nasa Mindanao – 85 hanggang 89 porsyento mula sa mga rehiyong ito ang ganon na lang ang pag-asa na magiging maayos ang kanilang buhay sa papasok na taon. Sa mga taga-Metro Manila, tumataginting na 95 porysento ang naniniwala na maganda ang idudulot ng papasok na taon.

Tiyak na sa mga bilang na ito, marami sa kanila ang umaasa na kahit papaano ay aalwa ang kanilang buhay. Ibig sabihin, sila na walang trabaho o hindi maayos ang trabaho ngayon ay magkakaroon ng permanenteng hanapbuhay na magbibigay sa kanila ng magandang sweldo at benepisyo na siya namang tutugon sa kanilang araw-araw na pamumuhay.

Sa kanila namang may hanapbuhay na, sana ay makalasap naman ng dagdag-sweldo para pandagdag tustos sa pangangailangan ng pa-milya, mula sa pagkain sa araw-araw, pambayad sa tubig, kuryente at bahay, kasama na rin ang mga gastusin sa eskwela, at may maitabi sa panahon ng pa-ngangailangan gaya nang pagpapagamot kung tamaan man ng karamdaman.

Sana ay magsibabaan na rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin, higit pa ang singil sa kuryente, tubig at pabahay. Sana ay bumaba na rin ang kriminalidad sa bansa. Sana naman ay tuluyan nang mapaayos ng pamahalaan ang bulok na sistema ng transportasyon; at ang lahat ng bulok na sistema na ipinaiiral sa halos lahat ng ahesiya ng gobyerno.

Sana ay hindi na maging manhid ang gobyerno, lalo na ang papalit na administrasyon, sa daing ng mamamayan, lalo na sila na kapos sa kabuhayan. Sana ay makita at maramdaman nila ang paghihirap ng masang Pilipino, at tugunan ito ng mga programang pangmatagalan at hindi yung mga band-aid solution lamang.

At dahil inungkat na rin lang naman natin ang usapin ng pagpapalit ng administra-syon sa kalagitnaan ng papasok na taon, marami rin tayong nais matupad.

Sana ay maging maayos, payapa, makatwiran at higit sa lahat ay may kredibiliad ang resulta ng eleksyong mangyayari sa Mayo 9. Sana ay maihalal ang mga indibidwal na may tunay na malasakit at pagmamahal sa bayan; silang makakaarok sa damdamin at kalagayan ng maliliit na Pilipino; silang tapat at walang record ng korapsyon at pangloloko sa taumbayan; silang titiyak at magsusulong ng karapatan ng bawat maliliit na Pilipino; silang walang pag-iimbot!

Kapalit nito, sana rin ay maging matalino ang bawat botanteng Pilipino sa pagpili ng mga taong kanilang ihahalal, para sa isang sana ay maganda at maayos na Pilipinas.
Sana magkatotoo…

Read more...