HOUSTON — Gumawa si Al Horford ng 30 puntos at 14 rebounds para pamunuan ang Atlanta Hawks sa 121-115 pagwawagi laban sa Houston Rockets kahapon.
Naghabol ang Atlanta sa 19 puntos sa kaagahan ng laro bago magsagawa ng ratsada para makuha ang panalo. Si Kent Bazemore ay nagdagdag ng 26 puntos habang sina Paul Millsap at Jeff Teague both ay nag-ambag ng tig-22 puntos para sa Hawks na nanalo ng ikapitong pagkakataon sa walong laro.
Pinamunuan ni Dwight Howard ang Houston sa itinalang 30 puntos at 16 rebounds habang si James Harden ay nagtala ng 26 puntos, 10 rebounds at walong assists.
Nahablot ng Atlanta ang kalamangan sa huling bahagi ng ikaapat na yugto at gumamit ng hack-a strategy kung saan intensyonal silang nag-foul kina Howard at Clint Capela. Naging matagumpay ang nasabing istratehiya hanggang maghulog si Howard ng free throw para mahablot ang kalamangan may higit dalawang minuto na lamang ang nalalabi sa laro.
Ginawa naman ng Atlanta ang huling siyam na puntos ng laro para masungkit ang road victory.
Thunder 131, Bucks 123
Sa Oklahoma City, umiskor si Russell Westbrook ng 27 puntos habang si Kevin Durant ay nag-ambag ng 26 puntos para pangunahan ang Oklahoma City Thunder sa panalo sa Milwaukee Bucks.
Si Enes Kanter ay nagdagdag ng 23 puntos habang ang rookie na si Cameron Payne ay nagtala ng career-high 16 puntos para sa Thunder.
Sina Westbrook at Durant ay kapwa umiskor ng higit 20 puntos sa ika-25 pagkakataon ngayong season para sa Oklahoma City na binalewala ang maagang walong puntos na paghahabol para magwagi sa ika-11 pagkakataon sa 14 laro.
Si Khris Middleton ay umiskor ng career-best 36 puntos para pamunuan ang Milwaukee.
Knicks 108, Pistons 96
Sa New York, gumawa si Carmelo Anthony ng 24 puntos habang si Derrick Williams ay nagdagdag ng 18 puntos para pangunahan ang anim na Knicks na umiskor ng double figures para sa New York na pinutol ang four-game losing streak sa panalo kontra Detroit Pistons.
Si Jose Calderon ay nag-ambag ng 15 puntos, si Kyle O’Quinn ay may 12 puntos, si Robin Lopez ay umiskor ng 11 puntos at si Kristaps Porzingis ay nagtapos na may 10 puntos.
Pinamunuan ni Ersan Ilyasova ang Pistons sa ginawagng 19 puntos. Sina Marcus Morris at Reggie Jackson ay nagdagdag naman ng tig-17 puntos.
Nakalamang ang Knicks ng apat na puntos, 80-76, sa kaagahan ng ikaapat na yugto bago nagsagawa ng 25-11 ratsada para kunin ang 18 puntos na bentahe mula sa long jumper ni Williams may 1:42 ang natitira sa laro.
Ginawa ni Williams ang 16 sa kanyang puntos sa huling yugto kung saan tumira siya ng 5-of-6 shots mula sa field.
Grizzlies 99, Heat 90 (OT)
Sa Memphis, Tennessee, kinamada ni Marc Gasol ang pito sa kanyang 23 puntos sa overtime para tulungan ang Memphis Grizzlies na makalayo sa extra period tun go sa pagtala ng panalo kontra Miami Heat.
Si Zach Randolph ay nagdagdag ng 17 puntos para sa Memphis. Sina Mike Conley at Jeff Green ay nag-ambag ng tig-16 puntos habang si Mario Chalmers ay umiskor ng 12 puntos. Nagdagdag din si Gasol ng walong rebounds, anim na assists at apat na blocks kabilang ang dalawang supalpal sa mga huling minuto ng laro.
Pinangunahan ni Chris Bosh ang Miami sa ginawang 22 puntos.