PAGKATAPOS ng Asia Pacific Economic Coo-peration (Apec) summit, nag-anunsiyo kaagad ang Japan sa pagbubukas ng bagong oportunidad para sa ating mga kababayan. Kukuha ang mga Japanese ng mga domestic worker mula sa Pilipinas.
Sa pakikipagkwentuhan ng Bantay OCW, sinabi ni Charge’ de Affairs Gilbert Asuque ng Philippine Embassy sa Japan na halos plantsado na rin ang gagawing proseso sa pagkuha ng mga manggagawa para sa gawaing bahay at maaaring maipatupad na ito ngayong darating na 2016.
Sa pamamagitan ng inilalatag na panuntunan sa Japan, maaaring mabago ang sistema ng pagkuha para sa mga “household service workers” o HSW kung ikukumpara ito sa maraming mga bansa na pinapadalhan ng Pili-pinas direkta sa kanilang mga employer na prinoproseso naman ng mga recruitment agency.
Sa Japan kasi hindi isa-isang ipoproseso ang application ng ating mga HSW patungo sa kani-kanilang employer.
Ayon kay Asuque, may agency sa Japan na tatanggap sa mga ito at siyang magsisilbi nilang employer.
Sila ang mananagot sa mga pangunahing pa-ngangailangan ng kanilang domestic workers tulad ng pabahay, pagkain at ilan pang mga benepisyo.
Kaya naman stay-out ang mga ito. May sarili silang tirahan at magtutungo lamang sa mga bahay na kanilang pagtatrabahuhan tulad ng paglilinis, paglalaba, pagluluto, pag-aalaga ng bata at iba pang mga gawaing bahay.
Matapos marinig ito kay Asuque, mabilis na nagbigay ng positibong reaksyon ang ating mga abogadong katuwang sa Bantay OCW.
Ayon kay Atty. Deo Grafil mula sa Office of the Vice President Jejomar Binay, maiiwasang maabuso ang ating mga kababayan laban sa mahahabang oras ng pagtatrabaho pati na rin ang hindi pagpapatupad ng kanilang mga day-off.
Ayon naman kay Atty. Dennis Gorecho, tiyak na maiiwasan na rin ang pagmamaltrato at iba’t-ibang anyo ng mga pananakit sa ating mga OFW dahil hindi na nga sila titira sa mga tahanan ng kanilang employer at mabilis silang makapagsusumbong sa mga kinauukulan.
Ayon kay CDA Asuque na matagal ding naglingkod bilang ambassador sa mga bansang madalas magkaproblema ang a-ting HSW, kapag naipatupad na ito sa Japan, maaaring ito na rin umano ang ipatutupad sa ibang mga bansa.
Dagdag pa ni Asuque, kung sa atin manggagaling ang mga manggagawa, makatuwiran lamang na manggaling din sa atin ang mga panuntunan para sa proteksyon ng ating mga OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapa-kinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyeresn, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Maaari ring tumawag sa Helpline nito sa 0998.991.BOCW. Bisitahin din ang website na bantayocwfoundation.org at mag-email sa: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com