Gutom sa balik-probinsiya

MAS pinili pa ng mga biktima ni Ondoy na manirahan sa mga bagong relocation sites kesa bumalik sa probinsiya, na isinusulong ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng “Balik Probinsiya Program” ng gobyerno.
Napili ng Bandera ang tatlong pamilya, na nagmula sa Tumana at Malanday, Marikina, na inilipat ni Vice President Noli de Castro sa relocation site sa Santa Rosa, Laguna.
Sa mahabang kuwentuhan (panayam), mga galing pala sila sa Samar, na sa hinaba-haba ng panahon ay nananatiling isa sa pinakamahirap na lalawigan sa bansa, sa kabila ng magigiting na politiko na galing dito, tulad ng tanyag na Jose Rono, minister ng local government and community development noong panahon ni Ferdinand Marcos; Raul Daza, matagal na nanilbihan sa Kamara; mga Evardone, atbp.
Bakit nga ba ganito ang kalakaran?  Mga sikat na politiko, tulad ni Sen. Chiz Escudero, na ibig pang tumakbo pagka-pangulo (ang ama niya ay matagal na opisyal ni Marcos sa pamamahala sa hayupan at sakahan, pero bagsak ang hayupan at sakahan sa kanilang lalawigan ng Sorsogon, simula noon hanggang ngayon, at pinamugaran na nga ng New People’s Army, na walang ginawa kundi huthutan ang taumbayan at di iangat ang kanilang kabuhayan), na ang inatupag ay mikropono, hindi trabaho.
Oo nga naman.  Tila mas madaling asikasuhin ang mikropono kesa trabaho, busugin ng pangako at paasahin sa wala ang mahihirap, na hindi matatas sa pananalita, edukasyon at batas.
May uuwian ba ang tatlong pamilya sa Samar?  Mag naghihintay bang trabaho sa kanila?  Meron ba silang masasakang kapirasong lupa?  Paano sasakahin ang kapirasong likas-yaman kapag nakatanghod, tulad ng nangyayari sa Sorsogon, ang NPA at una pang nakikiparte sa aanihin sa lupa at hahanguin sa tubig?
Bakit ayaw nilang bumalik sa Samar para makapiling ang kanilang mga kamag-anak sa paraisong walang baha, trapik, basura at polusyon?  Bakit mas pinili nila ang relocation site sa Santa Rosa?
Wala bang hanapbuhay sa Samar at meron sa Santa Rosa?  Wala na bang pag-asa ang bukas sa Samar at

meron sa Santa Rosa?
Bakit ganito ang pananaw ng masisipag maghanapbuhay na tatlong pamilya sa kanilang tinubuang lupa?
Sa pagtatatrabaho sa Metro Manila, hindi nila pinabayaan ang kanilang sarili. Sa Samar, pinabayaan ng mga politiko ang kanilang mga kamag-anak.

BANDERA Editorial, 101909

Read more...