Rain or Shine Elasto Painters pinatalsik ang Blackwater Elite

Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
5 p.m. Globalport vs Barangay Ginebra

UMABANTE ang Rain or Shine Elasto Painters sa knockout stage ng quarterfinals matapos na malagpasan ang matinding pagbangon ng playoff first-timer Blackwater Elite, 95-90, sa kanilang 2015-16 Smart Bro PBA Philippine Cup quarterfinal round game kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Umiskor si Jeff Chan ng 17 puntos habang si JR Quiñahan ay nag-ambag ng 16 puntos para sa No. 3 seed Elasto Painters, na sinayang ang 15 puntos na bentahe.

“One game down, one to go. If we wanna make the semifinals we have to play better than we did today. It was a struggle just trying to shake off Blackwater. They had an excellent game,” sabi ni Rain or Shine head coach Yeng Guiao.

“I’m not happy with this win even though we moved forward, but If we play this way again we might not make it to the next round,” dagdag pa ni Guiao.

Nakabangon ang Elite sa pangunguna ni Carlo Lastimosa, na ginawa ang 31 sa kanyang game-high 35 puntos sa second half ng laro.

Ito naman ang ikatlong 30-point game ni Lastimosa sa kumperensiya. Tanging si Globalport guard Terrence Romeo ang mayroong higit sa tatlong 30-point games ngayong season.

“It was a great effort by one guy buti na lang he didn’t get enough support from the others. We couldn’t stop him (Lastimosa),” sabi pa ni Guiao.

Naghahabol sa limang puntos, 93-88, sa huling minuto ng laro, sumablay ang Elite sa kanilang huling field goal attempts kabilang ang dalawang tira ni Frank Golla at Lastimosa, na nag-foul out may 51.5 segundo ang natirira sa laro.

Sa ikalawang laro, sinibak ng Talk ‘N Text Tropang Texters ang NLEX Road Warriors, 90-88, para ikasa ang pagsagupa sa Rain or Shine sa ikalawang yugto ng quarterfinals.

Pinangunahan ni Troy Rosario ang Tropang Texters sa ginawang 20 puntos habang si Danny Seigle ay nag-ambag ng 17 puntos.

Si Paul Asi Taulava ay nagtala ng 22 puntos at walong rebounds para pamunuan ang NLEX.

Read more...