ILANG oras na lang at narito na ang pinakahihintay na araw ng marami – ang Pasko.
At habang abala ang marami sa paghahanda ng kanilang Noche Buena at ang iba ay aligaga sa pagbabalot ng mga regalo para sa kani-kanilang mga mahal sa buhay, mahalagang maisip natin kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pag-aabalang ito?
Una nang nagbigay ng mensahe ang Simbahang Katolika na ang Pasko ay hindi dapat matuon sa mga materyal na bagay na ibibigay sa minamahal, pamilya, kaibigan at maging sa mga kasama sa trabaho.
Bagamat kaiga-igaya ang magbigay at makatanggap ng mga regalo ngayong kapaskuhan, meron pa umanong mas mahalagang bagay kumpara rito.
Higit na mahalaga nga naman na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na wala sa mga tindahan o wala sa mall. Ito ang mga bagay na sadyang walang presyo o hindi nabibili ng salapi; mga bagay na mas may kabuluhan.
Isa siguro sa pinakamahalagang bagay na maaari nating ibigay hindi lang sa ating mga minamahal kundi maging sa sinuman na nakasakit ng ating damdamin, ay ang pagmamahal at pagpapatawad — dalawang bagay na kahit saan ay hindi mabibili ng anumang halaga. Mga bukod-tanging bagay na ikaw lang mismo ang makakapagpasyang ibigay.
Masarap magbigay at makatanggap ng regalo ngayong Pasko; ngunit hindi ba mas masarap makatanggap ng regalo na may kasamang pagmamahal?
May kasabihan nga na “you can give without loving but you cannot love without giving” – isang pagpapatunay na may materyal mang bagay tayong maibigay sa kapwa kung wala naman itong kalakip na pag-ibig, sa huli wala itong saysay.
Pero ang pagmamahal, hindi man lakipan ng materyal na bagay, kung ibibigay ito nang buong puso na may kasamang pang-unawa, ibayong pagtitiwala at pagpapatawad, ay isang napakalaking bagay sa pagbibigyan.
Sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, makapgabigay nawa tayo ng tunay na aginaldo sa ating kapwa, mula sa ating mga minamahal na pamilya, kaibigan, katrabaho at maging silang nakasakit ng ating damdamin.
At sana ay makita rin natin kung sino nga ba talaga ang dapat bumida sa okasyong ito: Si Hesu-Kristo, na kaisa-isang anak ng Maykapal, na ibinigay sa sangkatauhan dahil lang sa labis na pagmamahal.
Isang makabuluhang Pasko sa ating lahat!