AlDub Nation handa nang sumugod sa mga sinehan

alden richards

Ginanap na kahapon ang parada ng mga pelikulang lahok sa Metro Manila Film Festival. Sinadyang baguhin ng mga tagapamuno ng MMFF ang taunang parada para magkaroon naman ng pagkakataong makasama ng mga personalidad ang kani-kanilang pamilya sa Noche Buena.

Dati’y December 24 ginaganap ang parada ng mga artista, pero may mga artistang nagmamadaling makauwi, kaya ngayon ay inagahan ng isang araw ang pag-iikot ng mga floats ng mga pelikulang lahok sa taunang festival.

Ang hinuhulaang tagumpay sa takilya ng “My Bebe Love” na pinagbibidahan nina Bossing Vic Sotto at Ai Ai delas Alas ang tinututukan ngayon, malaking tulong sa pagna-number one ng pelikula sa takilya ang loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza, paniguradong hindi magpapabaya ang AlDub Nation para magtagumpay ang unang pelikula ng kanilang mga idolo.

Magaganda ang mga pelikulang maglalaban-laban sa MMFF, malalaking artista rin ang bumibida, sa dalawang unang araw pa lang nag pagbubukas ng mga sinehan ay malalaman na agad kung anong pelikula ang panalung-panalo at kung alin-alin naman ang hindi gaanong tinatao.

Ang mahalaga ay buhay na buhay pa rin ang industriya ng pelikulang Pilipino. At kahit hindi MMFF, sana nga’y magpatuloy ang interes ng mga prodyuser sa paggawa ng mga proyektong patuloy na bubuhay sa lokal ng aliwan, bukod pa sa maraming manggagawa sa industriya na matutulungan.

Read more...