KAPAG dumarating ang panahon ng bakasyunan, ito rin ang panahon ng gastusan.
Ayon kay Prof. Rommel Agbayani, psychologist ng Bantay OCW, kapag dumarating umano ang ganitong mga panahon, matindi rin ang paggana ng tinatawag na “oxytocin” o tinaguriang love hormone.
Palibhasa ay nais ipadama ng isa ang kaniyang pagmamahal kung kaya’t walang patumangga rin ito sa paggastos. Kapag gumagana na kasi ang “oxytocin,” hindi na ito nagkukuwenta, kahit sa isip lamang.
Hindi na nito inaalintana kung malaki na ba ang naggasta, basta ang mahalaga ay makapagbigay o makapagregalo. Eto nga raw ang panahon ng bili rito-bili roon ang mga tao.
May mga praktikal tayong mga OFW na hindi na lamang umuuwi kapag Disyembre. Iniiwasan nilang makasabay sa mga gastusan kung kaya’t mag-iiskedyul na lamang sila sa buwan ng Enero o Pebrero, at doon nila ititiyempo ang pagbabakasyon.
Para sa iba naman, natuto na umano silang maging palaisip sa walang patumanggang paggastos ng pamilya. Pakiramdam nga ng isang mister na OFW, parang gusto nang ubusin ng kanyang misis ang bawat makitang kaakit-akit na mga produkto sa tindahan.
May ilan namang malakas na rin ang kontrol at talagang napipigilan kahit papaano ang paggasta.
Ngunit kung kayang gawin ito ng OFW ng mismong naghahanapbuhay, kabaliktaran naman nito ang ginagawa ng ilang kapamilya na tumatanggap ng kanilang mga remittances o allotment.
Palibhasa ay may mga credit cards kasing nagagamit, naroroon pa rin ang “bahala na” attitude ni misis.
Iisipin niyang magtitipid na lamang siya sa pagpasok ng panibagong taon upang may maipambayad sa mga pamimilihin gamit ang credit card, basta ang mahalaga sa kaniya ang “ngayon,” makapamili ng mga bagong damit at sapatos sa buong pamilya, mga pangregalo at may masasarap na pagkain na maihahanda.
Napapanahon naman ang pahayag ni Albert Go ng Beam and Go kaya pa ring kontrolin ang hormone na oxytocin kung gagamitin na lamang nila ang serbisyo ng Beam and Go.
Sila na mismo ang pipili ng partner merchant na kakailanganin ng pamilyang OFW at cashless transaction pa ito. Sa pamamagitan nito, matututong magtipid ang kapamilya dahil walang cash silang hahawakan at hindi na matutukso pang ibili ng kung anu-anong mga bagay na wala naman sa budget.
Pati na ang mga utilities na madalas makaligtaan, puwede nang direktang bayaran. Mag log-on lamang sa www.beamandgo.com.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Maaring tumawag sa helpline nito na 0998.991.BOCW. Maari ring bumisita sa website na bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com