MAGANDANG araw po sa bumubuo ng inyong pahayagan, ako po ay empleyado ng pabrika ng sardinas dito sa Navotas. May walong buwan na rin akong nagtatrabaho at regular na empleyado na ngunit naguguluhan pa rin po ako kung magkano ang dapat kong matanggap ngayong regular holiday para ngayon pa lamang ay may ideya na ako kung magkano ang dapat kung makuha dahil may mga bayarin ako na hindi ko na kayang bayaran ngayong Disyembre bagaman nakatanggap na kami ng 13th month pay. Sana ay masagot ninyo ang aking katanungan. Maraming salamat po.
Raymond Arellano
Kaunlaran Village
Navotas City
REPLY: Para sa iyong katanungan Mr. Arellano base na rin sa itinatadhana ng Article 4 ng batas paggawa ang lahat ng manggagawa na sakop na holiday pay rule ay dapat bayaran ng kanyang regular na sahod (daily basic wage at COLA).
Ibig sabihin, ang lahat ng manggagawa ay kailangang bayaran ng may pagawa katumbas ng 100 porsyento ng kanyang arawang sahod kahit hindi pumasok sa araw ng pista ng opisyal subalit kinakailangang siya ay magtrabaho o kaya ay nakaliban sa trabaho na may bayad, isang araw bago sumapit ang regular holiday o pista opisyal.
Ang manggagawa naman pumasok sa araw ng regular holiday o pista opisyal ay kailangang bayaran ng doble o 200 porsyento katumbas ng kanyang arawang sahod.
Halimbawa: Sa NCR, ang minimum wage (arawang sahod at COLA) ay P451 at P15 para sa non-agricultural sector, simula sa unang araw ng 2014 sa ilalim ng wage order order no. NCR-18.
Kung ang regular holiday o pista opisyal ay pumatak ng pahinga ng isang manggagawa siya ay may karagdagang 30 porsyento ng kanyang holiday pay rate na 200 porsyento o kabuuang 260 porsyento.
Kung ang regular holiday o pista opisyal ay pumatak sa araw ng linggo ang susunod na Lunes ay hindi holiday, maliban kung inilabas ng proklamasyon na nagsasaad na ito ay special holiday.
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.