Sam-tukan? Sabunutan! | Bandera

Sam-tukan? Sabunutan!

Lito Bautista - December 18, 2015 - 03:00 AM

NAGSINUNGALING sila dahil takot sila sa katotohanan. Hindi mahalagang sabihin kung ano ang totoo, kundi kung ano ang ligtas na sabihin, na pabor sa kanila. Kung hindi makaiiwas sa katotohanan, mananahimik na lang. Ang pagkukunwari o pananahimik para makaiwas sa katotohanan ay karuwagan at tahimik na pagsang-ayon sa paghahari ng kasinungalingan at kasamaan.

Iyan ang pagsasadiwa sa Ebanghelyo (Blg 24:2-7, 15-17a; Slm 25; Mt 21-23-27), sa paggunita kay San Juan de Cruz, pari at pantas ng simbahan, na binasa at pinagnilayan sa lahat simbahang pandaigdigan. Sa Pilipinas, tampok ang ilang militanteng simbahan sa Diyosesis ng Malolos, walang pag-iimbot na sinabi ng mga pari, na ang pangontra sa pagsisinungaling ng gobyerno ay ay pagpasa sa FOI Bill. Tsk-tsk-tsk.

Sa patutsadahang (ka-lalaking tao, nagpapatutsadahan?) Mar Roxas at Digong Duterte, nakita ang malawak na pagkakaiba ng mga kolumnistang broadsheet at tabloid. Sa mga kolumnistang tabloid, sila ang mas malapit sa masa, na tinaguriang D-E, ang nagpapasya kung sino ang susunod na pangulo. Sa broadsheet columnists, idinidiin nila ang pagiging disente. Sige, ang sinumang disente ang unang pumukol ng bato.

Sa patutsadahan ng tunay at di tunay na lalaki, nakangiting nakamasid si Chiz Escudero (noon, klik kami ng tatay niya sa biyahe dahil paborito namin ang nilagang kamote at saba, na walang sinabi ang burger at fries). Hindi niya inaasahan na ganito na ang mangyayari. Sana’y tumakbo na lang siya pagka-pangulo, at tiyak na tatalunin niya ang di tunay na lalaki, sinuman man siya. Sam-tukan (sampalan, suntukan)? Sabunutan na lang, masaya pa.

Ang unang tropeong Hambalos ay para kay Rep. Magnolia Rosa Antonino Nadres ng Nueva Ecija dahil sa kanyang HB 4820, na papalitan ang NLEX bilang CoCoAEx (Corazon Cojuangco Aquino Expressway). Ayon kay Nadres, ang CoCoAEx ay “…will bestow honor” kay Cory. Anong dangal ni Cory ang sinasabi ni Nadres sa Mendiola massacre, Kamag-Anak Inc., at mga taga-PCGG na ginatasan ang pamilya Marcos? Dumistansiya sina Komong Sumulong at Ding Tanjuatco kay Cory para di sila maulingan.

Ang ikalawang tropeong Hambalos ay kay Florencio Abad. Anong nangyari sa plunder na isinampa sa kanya ni Terry Ridon pagkatapos ng pahayag nina Janet Napoles at Merlita Sunas na siya ang nasa sentro at utak ng pork barrel scam (PDAF)? Ayon kay Sunas, si Abad ay kaibigan at kliyente ni Napoles. Kinatawan pa lang ng Batanes si Abad, ani Napoles, ay guro na niya si Abad sa pandarambong ng pera ng taumbayan. Kaya pala inihatid ni PNoy si Napoles sa Crame.

Ikatlong tropeong Hambalus ay kay Joseph Emilio Aguinaldo Abaya, na kilala rin bilang Gawad-Walanghiyaan, ayon sa mga obrerong araw-araw ay dumadaan sa EDSA: walang tiyak na biyaheng MRT, walang lisensiyang plastic, walang plaka, walang sticker, nalulusaw na plaka sa baha at at bilyones na pera ng taumbayan na dinambong sa DOTC.

Ang ikaapat na tropeong Hambalus ay kay Renato Bondal, na Wow Mali nang inakusahan si Dr. Jack Arroyo, na akala niya ay kamag-anak ni Joker Arroyo, at “dummy” daw ni Jejomar Binay, na namuhunan ng 20% sa University of Makati. Si Dr. Arroyo ay tanyag na serohano sa mata (Lasik) at nag-opera sa mga mata nina Bata Reyes, Fidel Ramos at bilyonaryong Eduardo Espiritu, atbp. May klinika rin si Dr. Arroyo sa US at pila ang mga pasyente. Di mangungurakot si Dr. Arroyo dahil siya lamang ang dalubhasa sa Lasik.

Noong Hunyo, isang malawak na network ang dumiskarte na susuporta kay Grace Llamanzares. Pero, noong Dis. 11, maraming minuto ang inaksaya nito para gawing malinis si Mar Roxas, asawa ni Korina Sanchez, at gawing kaduda-duda si Llamanzares. Umpisa na ito. Sa Abril 2016, tanging ang asenderong Mar Roxas, oligarko, ang mapapanood sa network. At ito’y sasamantalahin ng kalabang network para lumipat sa kanila ang buong bansa na sawa na sa tuwid na daan.

MULA sa bayan (0916-5401958): Lumalala na ang droga rito sa Sulop (Mindanao). Si Digong ay hindi kinatatakutan sa Sulop. Ang kinatatakutan dito ay ang politiko at pulis. …8112.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending