Mga Laro Bukas
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Talk ‘N Text vs Globalport
7 p.m. Star vs Blackwater
NANATILING palaban ang Rain or Shine Elasto Painters para sa outright Final Four slot sa 2015-16 Smart Bro-PBA Philippine Cup matapos patumbahin ang Meralco Bolts, 97-87, kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nagtala si Raymond Almazan ng career-high sa puntos (21) at rebounds (17) habang si Jeff Chan ay gumawa ng 24 puntos para sa Elasto Painters na umangat sa 8-2 karta at solo ikalawang puwesto papasok sa huling tatlong playdates sa elimination round.
“We had to bleed for this one, which is a really big game for us,” sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao. “We have one game to go, that’s going to be a playoff game for us.”
Ang susunod na makakaharap ng Rain or Shine ay ang NLEX sa Sabado kung saan ang panalo ay magbibigay sa Elasto Painters ng No. 2 spot at ikalawang awtomatikong semifinal slot habang ang pagkatalo ay magreresulta ng playoff kontra Alaska o San Miguel Beer.