16 patay sa bagyong Nona | Bandera

16 patay sa bagyong Nona

John Roson - December 16, 2015 - 06:55 PM

Nona-Albay-620x510
Pumalo na sa 16 katao ang naiulat na nasawi, 27 ang nasugatan, at tatlo ang nawawala sa gitna ng pananalasa ng bagyong “Nona” sa iba-ibang bahagi ng Luzon at Visayas, ayon sa mga otoridad.

Walo ang naiulat na nasawi, pito ang nasugatan, at isa ang nawawala sa Oriental Mindoro at Romblon, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Mimaropa regional police.

Dalawa ang namatay nang mabagsakan ng puno at isa ang inatake sa puso sa Oriental Mindoro, habang inaalam ang sanhi ng pagkamatay ng isa pa, at ng apat na tao sa Romblon, ani Tolentino, gamit bilang basehan ang mga ulat na ipinarating sa regional police.

Umakyat naman sa apat ang bilang ng mga naiulat na nasawi sa Northern Samar at Samar dahil din sa bagyo, sabi ni Senior Insp. Mark Nalda, information officer ng Eastern Visayas regional police.

Bukod kay Pascual Ancente na tinamaan ng lumipad na yero sa Allen, Northern Samar, nalunod sina Tessy Villanueva Balabad ng Lope de Vega, Northern Samar, at Jason Blesario ng Matuguinao, Western Samar, sabi ni Nalda nang kapanayamin sa telepono.

Namatay rin ang 83-anyos na si Abundio Belo, ng Lope de Vega, matapos mag-“collapse” habang kinakarga patungo sa evacuation center noong kasagsagan ng bagyo, ani Nalda. Hinihinalang inatake sa puso ang matanda.

Nawawala pa kahapon ang mga mangingisdang sina Lumeuel Maeso at Alfredo Edrial, kapwa taga-Mapanas, Northern Samar, ani Nalda.

Labingwalo na ang naitalang nasugatan sa mga bayan ng Mapanas at Gamay.

Posible pang tumaas ang bilang ng mga nasawi’t nasugatan sa Eastern Visayas dahil inaasahang mag-uulat na ang mga augmentation team ng pulisya na ipinakalat sa Northern Samar, ani Nalda.

Bukod sa pagkalap ng impormasyon sa sinapit ng Northern Samar, inatasan din ang augmentation teams na bantayan ang mga mall at establisimyentong napinsala ng bagyo para maiwasan ang “looting,” aniya.

Sa pagtungo sa Northern Samar ay inalis din ng teams ang mga natumbang puno at poste sa Lope de Vega, na ngayo’y puwede nang daanan ng mga magdadala ng relief goods at mga taga-Catarman na nais tumawag sa mga kamag-anak, ani Nalda.

Samantala, isang 50-anyos na lalaki naman ang nalunod matapos itaob ng malalaking alon ang sinakyan niyang bangka sa bahagi ng dagat na sakop ng Nasugbu, Batangas, kamakalawa (Martes).

Nalunod si Fernando Cos, katiwala ng Pulo Island na pag-aari ni Antonio Leviste Sr., nang tumaob ang kanyang bangka habang pabalik sa mainland ng Nasugbu alas-7 ng umaga, sabi ni Insp. Hazel Luma-ang, tagapagsalita ng Batangas provincial police.

Napag-alamang di nakalangoy si Cos dahil amputated na ang isa nitong paa. Nakaligtas ang ina niyang si Teresa, 67, at ang 9-anyos nitong apo.

Una nang inulat ng Bicol regional police na may mag-lola at isang lalaking nasawi matapos ding mabagsakan ng puno ang kanilang mga bahay sa Casiguran, Sorsogon, at Mandaon, Masbate.

Inulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon na 3,155 bahay na ang nawasak at napinsala sa Mimaropa, Bicol, at Eastern Visayas.

Nakapagtala na ng inisyal na P159.5 milyon halaga ng pinsala sa imprastruktura at agrikultura habang marami pang bahagi ng Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Eastern Visayas ang nananatiling walang kuryente dahil sa bagyo, ayon sa NDRRMC. (John Roson)

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

– end –

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending