Mausok na tambutso

motor for site

NAGPADALA ng tanong sa pamamagitan ng text ang Inquirer Bandera reader na si John Yanrobac ng Dagupan, Pangasinan. Tanong niya, ano kaya ang sanhi ng puting usok na lumalabas sa tambutso ng kanyang motorsiklo.

Sa mga online forum ay kadalasan ding tanong ang ganitong problema. Kalimitan ang sanhi ng puting usok ay ang pagkasunog ng engine oil sa combustion chamber. Humahalo ang langis sa gasolina na nasusunog kaya nagbubuga ito ng puting usok.

Hindi mo nabanggit kung ano ang iyong motorsiklo. Kung four stroke engine ito, ang langis ay maaaring tumatagas patungong combustion chamber. Maaaring mayroong singaw ang iyong piston o piston rings na siyang humahadlang sa pagpunta ng langis sa combustion chamber.

Suriin din ang head gasket at ang valve stem seals. Agad itong ipasuri dahil kung patatagalin baka magresulta ito ng pagkatuyo ng langis sa piston na makasisira sa iyong sasakyan.

Kung two-stroke engine naman ang gamit mo, ang nasusunog na langis ay ang inihahalo mong 2T oil sa gasolina. Hindi pareho ang disenyo ng makina nito sa four-stroke kaya kailangan na haluan ng lubricant ang gasolina.

Kung ito ang dahilan, maaaring hindi tama ang dami ng gasolina at langis na pinaghahalo. Kapag maputi ang usok maaaring masyadong marami ang 2T oil na inihahalo kaysa sa kailangan.

Ang 2T oil ay inihahalo dahil kailangan ng makina na malangisan upang tumakbo ito ng maayos.
Mayroong manual ang iba’t ibang motorcycle manufacturer kung gaano karami ang langis na dapat ihalo.

Mayroong makina na ang rekomendasyong gamitin ay 16:1 gas-oil mixture at ang iba ay umaabot naman sa 100:1. Pero teka, gaano ba karami ang usok na luma-labas sa tambutso mo.

Kapag umaga lalo na kung malamig ang panahon, ang puting usok ay lumalabas dahil ito ay tubig na naiinitan. Para bang kumukulong tubig sa takure. Nangyayari ito habang unti-unting umiinit ang makina pero nawawala rin kapag mahaba-haba na ang itinatakbo.

Read more...