SA susunod na taon, malaki ang posibilidad na magkatotoo ang bangungot ni outgoing President Aquino: ang mangulelat sa eleksyon ang standard bearer ng Liberal Party na si Mar Roxas (iyon ay kung may matira pa siyang kalaban) at ang pagbabalik ni Sen. Bongbong Marcos sa Malacañang makalipas ang 30 taon.
Kaya sa takot niya na magkatotoo ang kinatatakutan na mabalikan ng mga kaaway sa politika na kanyang pinersonal, 198 araw mula ngayon, ay kuntodo kampanya na siya kontra sa mga kalaban ng manok na si Mar at, sa kaso ni Bongbong, sa kalabang mortal ng kanyang pamilya.
May rason naman kung bakit kinakabahan na si Aquino sa muling pamamayagpag ni Marcos.
Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia sa Metro Manila ay nasa ikalawang puwesto na si Bongbong na nakapagtala ng 25 porsyento, tatlong puntos kasunod ng nangungunang si Sen. Chiz Escudero. Sa loob lamang ng ilang buwan mula sa huling isinagawang survey ay nalagpasan na niya sina Sen. Alan Peter Cayetano (18 porsyento) at Sen. Antonio Trillanes IV (8 porsyento). Nasa hulihan din ang ka-tandem ni Mar na si Camarines Rep. Leni Robredo at Sen. Gringo Honasan.
Samantala, nanguna naman si Bongbong sa online survey ng Polytechnic University of the Philippines (PUP). Sa kabuuang boto na 135,622 ay nakakuha siya ng 50,675 o 37.36 porsyento. Nasa malayong ikalawang puwesto si Robredo (28,746 boto o 21.20 porsyento). Sumusunod sina Trillanes (18,424 boto), Cayetano (17,578 boto), Escudero, (13,976 boto) at Honasan ( 2,765 boto).
Hindi lang sa Metro Manila at sa mga kabataan malakas umano ang hatak ni Bongbong, buo rin daw ang suporta ng Ilocos Region at iba pang probinsya sa hilagang Luzon sa kanya, ayon kina dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson at incumbent Vice Gov. Deogracias Victor “DV” Savellano.
At gaano kalaki ang hatak ng tinaguriang Solid North? Base sa rekord, kaya nitong magdeliber ng 11 porsyento sa kabuuan ng mga botante sa bansa o mahigit 5.6 milyon sa mahigit 52 milyon rehistradong botante.
Hindi man kasing-dami ng mga botante gaya ng sa Calabarzon, Metro Manila, Central Luzon, Western Visayas at Central Visayas, tanging ang mga Ilocano lamang mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region (CAR) ang matagumpay na nakakapagdeliber ng bloc vote, ayon sa Comelec.
Kumpara kay Bongbong na solo ang Ilocandia, paghahati-hatian nina Escudero (Sorsogon), Trillanes (Albay) , Honasan at Robredo (kapwa taga-Sorsogon din) ang mahigit 2.7 milyon boto mula sa Bicol Region.
Dagdag din sa boto ng batang Marcos ang mga loyalista ng kanyang inang si dating First Lady Imelda Marcos sa probinsya nito na Leyte at iba pang probinsya sa Visayas, gaya ng Ilolo, kung saan nagmula naman ang running-mate niya na si Sen. Miriam Defensor-Santiago.