Demecillo-Dapudong title bout nauwi sa split draw

NAUWI sa kontrobersyal na split draw ang inaabangang title fight sa pagitan nina reigning World Boxing Federation (WBF) Asia Pacific bantamweight champion Kenny “Singwancha” Demecillo at Edrin “The Sting” Dapudong noong Sabado ng gabi sa Almendras gym, Davao City.

Nagbigay ang huradong si Sabas Ponpon Jr. ng iskor na 97-93 para kay Dapudong habang si Brembot Dulalas ay pumanig kay Demecillo sa 96-94. Ang isa pang hurado na si Romeo Fordaliza ay umiskor ng 95-all para sa split draw.

Napanatili ng 23-anyos na tubong-Cebu na si Demecillo ang kanyang titulo subalit hindi naman niya nakuha ang bagong championship belt dahil nauwi sa tabla ang laban niya ayon kay WBF representative Jimmy Mata.

“Tinalo ko siya kahit na beterano siya. Pero payag ako sa rematch,” sabi ni Demecillo na mayroon na ngayong dalawang tabla maliban pa sa 10 panalo at tatlong talo na kartada.

Ang coach ni Demecillo na si Ping-Ping Tepura ng Omega Boxing Gym ay gusto namang gawin ang rematch sa Cebu.

Ang 29-anyos na tubong-Cotabato na si Dapudong ng Sonshine Sports Management Inc. ay payag din sa rematch kung ang catchweight ay sa karaniwan niyang fighting weight na 115 pounds o sa super flyweight division.

“Mas gamay ako sa bantamweight kaya dapat sa 115 lang,” sabi ni  Dapudong, ang dating International Boxing Organization (IBO) world super flyweight champion.

Nakasabay sa palitan ng suntok si Dapudong kay Demecillo bago nagpalit ng diskarte sa huling dalawang round kung saan gumamit siya ng jab para makaiwas sa dikitang laban sa kampeon.

Ito ang unang title defense ni Demecillo para sa bakanteng korona na napanalunan niya sa pamamagitan ng eighth round technical knockout laban kay Darryl Basadre noong Setyembre 26 sa Gaisano Mall sa General Santos City.

Si Dapudong, na mayroon na ngayong 37-6-1 karta, ay galing sa second round knockout panalo laban kay Richard Garcia noong Hunyo 26 sa Almendras gym.

Itinala naman ni Jerry Castroverde ng Cebu ang pinakamalaki niyang panalo matapos gulatin si dating World Boxing Organization (WBO) Oriental featherweight champion Lorenzo “Thunderbolt” Villanueva sa pamamagitan ng fifth round technical knockout sa main supporting bout.

Ang 28-anyos na si Villanueva ay nagkaroon ng malalim na hiwa sa kaliwang mata bunga ng aksidenteng headbutt na sinundan pa ng right jab ng 18-anyos na si Castroverde sa ikaapat na round.

“Pero hindi naman talaga siya headbutt dahil kamao ko ang tumama sa kanya,” sabi ni Castroverde, na umangat sa 7-2-0 record.

Nalasap naman ni Villanueva, na mayroong 35 panalo at 24 knockouts, ang ikalawang pagkatalo.

Read more...