Mga Laro Ngayon (Araneta Coliseum) 3 p.m. Barako Bull vs Star 5:15 p.m. NLEX vs Barangay Ginebra
HUMATAW si Terrence Romeo sa crunch time para ihatid ang Globalport Batang Pier sa dikitang 118-116 overtime panalo laban sa Mahindra Enforcers sa kanilang 2015-16 Smart Bro PBA Philippine Cup elimination round game Sabado ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Naghulog ng 3-pointer si Romeo sa huling 29.8 segundo ng laro para itabla ang iskor sa 116-all sa overtime bago makaiskor ng game-winning layup may 3.3 segundo ang nalalabi para ibigay sa Batang Pier ang panalo.
Inihulog ni Romeo ang walo sa kanyang 29 puntos sa overtime at nagtala rin siya ng 10 rebound at walong assist para sa Batang Pier na nakasiguro ng twice-to-beat bentahe sa quarterfinals sa hawak na 7-3 kartada.
Muntikan namang magtala si Stanley Pringle ng triple-double sa ginawang 29 puntos, walong rebound at pitong assist habang si Jay Washington ay nagdagdag ng 12 puntos at walong rebound para sa Globalport.