Sa pagbasura ng Commission on Elections First Division sa kanyang certificate of candidacy, muling iginiit ni Sen. Grace Poe na siya ay isang Pilipino.
Sa isang pahayag, sinabi ni Poe na nasasaktan siya sa pagtanggi ng dibisyon ng Comelec sa kayang pagkatao.
“Ako po ay tunay na Pilipino mula sa pagkasilang—nagkamalay bilang Pilipino, pinalaki bilang Pilipino, nanirahan, nag-aral at kinasal sa Pilipinas at nais maglingkod bilang Pilipino sa kapwa Pilipino,” ani Poe.
Mistulang sinabi rin ni Poe na hindi naging patas ang Comelec dahil hindi umano nito tinignan ang mga inihain niyang ebidensya na nagpapatunay na siya ay isang Pilipino.
“Nuong inilagak ang mga kaso laban sa akin, ang tangi kong hiniling ay isang patas na pagtatasa….. Nakalulungkot po ang pagbalewala sa mga patunay ng malinaw na katotohanan para lamang ipagkait sa akin ang pagkakataong higit pang maglingkod sa mamamayan, at ipagkait din sa taumbayan ang kanilang maaaring pagpilian sa isang bukas na halalan,” dagdag pa ng senadora.
Maghahain si Poe ng mosyon sa Comelec en banc at kung muling hindi papalarin sa Korte Suprema para “itaguyod ang katotohanan at tunay na diwa at layunin ng Saligang Batas.”
Umaasa naman si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, tagapagsalita ni Poe, na mababaliktad ang desisyon kapag nakita ang kanilang mga punto sa apela.
“We are optimistic and hopeful that the commissioners of the comelec changes their opinion once they review our appeal, the same way Comm. (Robert) Lim saw the merits of our position. It is noteworty to point out that in the 1st division, its senior member (Comm. Lim) sided with our legal arguments. The decision is not unanimous,” ani Gatchalian.
Nauna ng diniskuwalipika ng Comelec Second Division sa hiwalay na kaso si Poe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

