HINDI kapangahasan o kalabisang sabihin na nais ng Pilipino ng makabuluhang pagbabago sa ilalim ng bagong pamumuno sa lalong madaling panahon.
Ang salitang pagbabago ay kaakibat na pangako ng bawat halalan, at ito ang tila nalimutan ng kampo ni dating Interior Secretary Mar Roxas.
Sa mga survey, mababa ang rating ni Roxas at ng kanyang ka-tandem na si Rep. Leni Robredo. Hindi kaya ito dahil ang bitbit nilang mensahe ng pagpapakilala ay ang “Pagpapatuloy ng Daang Matuwid”, na siyang magiging batayan ng kanilang plataporma.
Balikan natin si Roxas. Hindi ba’t bago pa mamatay si dating Pangulong Corazon Aquino ay nakaporma na siya; kandidatong hinog na sa pampanguluhan. He projected himself then as his own man, as someone with a clear vision of management, governance and leadership of the country.
Nagbago ang lahat nang mamatay si Cory at naging mabangong kandidato sa pagkapangulo ang anak na si Noynoy Aquino.
Kung nagawa noon ni Roxas na tumuntong sa kanyang mga nagawa na o karanasan na mahaba-haba na rin naman sa larangan ng public service sa iba’t ibang posisyong hinawakan niya sa pamahalaan, bakit hindi ito ang gawin niya ngayon na siya ay kandidato na sa pampanguluhan?
This is the biggest battle of his political career, why bank on the laurels of others?
Just for the sake of argument, kunwari nating tanggapin na maganda nga ang polisiyang iiwan ng “Daang Matuwid” ni Pangulong Aquino. Pero hindi ba nakikita ni Roxas na ang huhusgahan ay hindi ang nakaupong pangulo kundi ang gustong maging pangulo?
Sa kabilang dako, sa dami ng batikos sa administrasyon ngayon, lalong-lalo na sa usapin ng traffic management at usapin ng kawalan ng matatag na mass transportation, ang pagpapatuloy o pagsusulong ng pagpapatuloy ng polisiya o pamamahala na hindi nakatugon sa mga problemang ito ay pagpapakita na kahit na anong daing ng mamamayan, tila balewala sa nagnanais na maging pangulong si Roxas.
Dumadaing sa kawalan ng aksyon tapos ipagpapatuloy mo pa? Maliban na lang kung talagang naniniwala sila na ginawa na nila ang pinakamainam na solusyon sa mga problema ng bansa, ibabandera mo nga ang pagpapatuloy. But clearly, there is a mismatch between the claim and reality.
Ang hindi pagkilala sa mga pagkukulang at mga hindi nagawa ang siyang magbubuyo sa mga taong hinihimok mong pagkatiwalaan ka bilang pinakamagaling na kandidatong pangulo. Bukod dito, ang paggiit na kung hindi ka dilaw, kampon ka na ng kadiliman at kapahamakan na ang dala mo.
Arrogance is never a good foundation for any candidate for that matter. Kung aangat ang ratings nina Roxas at Robredo, malinaw na hindi ito dahil sa kasalukuyang ti-nutuntungan nilang konsepto ng pagpapatuloy ng Daang Matuwid.
Tumakbo ka bilang si Mar. Si Mar ang ibantog mo. Ano ba talaga ang gustong gawin ni Mar? Ano ba ang sa tingin ni Mar ang tunay na problema? Pero paano mo nga matutukoy ang problema kung hindi mo nga kinikilala ang mga problema sa nakalipas na mahigit limang taon?
Kung basta ganun at itutuloy mo lang, at kung di naman mawawala sa opisyal na listahan ng mga kandidato ang mga malalakas na kandidato ngayon pa lamang, huwag nang umasa na tataas pa ang rating sa mga surveys.
Hindi ko naman sinasabing surveys ang magpapanalo sa mga kandidato. Katunayan, ang mga pulitiko nga ang naniniwala sa bisa nito. Pero sa hanay nilang naniniwala, ito’y indikasyon na hindi katanggap-tanggap ang punda-syon ng isinusulong na kandidatura.
‘Daang Matuwid’ ang magpapatalo kay Mar
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...