INAMIN kahapon ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na nakakaapekto kay Sen. Grace Poe ang mga disqualification laban sa kanya matapos naman ang pinakahuling survey ng Social Weather Stations na kung saan nanguna na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
“Meron palagi epekto ‘yon habang naka-binbin ang kaso,” sabi ni Escudero, na ka-tandem ni Poe sa 2016 presidential race.
Iginiit naman ni Escudero, na kapwa nila nirerespeto ni Poe ang resulta ng survey.
“Lahat ng survey, mababa man o mataas kami ni Sen Grace, ay pinag-aaralan at tinatanggap namin,” dagdag ni Escudero.
Pumangalawa lamang si Poe kay Duterte, kung saan tabla sila ni VIce President Jejomar Binay na kapwa nakakuha ng 21 porsiyento.
“Tinitingnan namin ito bilang gabay at hudyat ng mga kailangan pa naming gawin para maparating at mapaunawa ang aming mithiin at layunin para sa bansa at sa ating mga kababayan,” ayon pa kay Escudero.
Nakakuha si Duterte ng 38 porsiyento para pangunahan ang survey, samantalang pumangatlo lamang si dating interior Secretary Mar Roxas na nakakuha ng 15 porsiento, samantalang pang-apat si Sen. Miriam Defensor-Santiago, na may apat na prosiyento.
Napanatili naman ni Escudero ang kanyang lamang matapos makakuha ng 30 porsiyento; sumunod si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na may 24 porsiyento; Sen. Alan Peter Cayetano, na may 21 porsiyento; Camarines Sur Rep. Leni Robredo, na may 12 porsiyento; Sen. Gringo Honasan, na may anim na porsiyento at Sen. Antonio Trillanes IV, na may limang porsiyento lamang.