Chiz dedma sa rape cases sa Bicol

LUMALALA ang kaso ng rape sa Bicol at tila hindi man lamang napapansin ito ng tumatakbo sa pagka bise presidente na si Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Alam naman nating tubong Sorsogon si Escudero at bilang taga Bicol, hindi ba’t nararapat lamang na unang tutukan ng senador ang mga problema sa kanyang sariling bayan?

Mismong ang Philippine National Police (PNP) ay nagpahayag ng pagkaalarma rito.

Base sa datos mula sa PNP, umabot sa 2,174 kabuuang kaso ng rape ang naitala mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon kumpara sa 1,903 kabuang kaso ng rape mula Enero hanggang Oktubre noong 2014.

Ayon mismo sa PNP, ang kabuuang bilang ng kaso ng rape ay 22 porsiyento ng kabuuang bilang ng index crime sa Bicol na 9,882.

Itoy’ napakataas kumpara sa 5 porsiyento o mas mababa pa, na mga kaso ng rape sa ibang rehiyon sa bansa.

At base sa PNP, umabot sa dalawang-taong-gulang ang pinakabatang biktima ng rape, na talaga namang nakakagulat at ang pinakamatanda naman ay 53-taong-gulang.

Ang mga naitalang kaso ng rape ay ang mga naiuulat lamang kayat may posibilidad na mas mataas pa ito dahil may mga hindi rin nagrereklamong mga biktima ng rape.

Sa harap ng nakakaalarmang mga kaso ng rape sa Bicol, nararapat lamang na bigyan ito ng pansin ni Escudero.

Bago kasi mangarap si Escudero na pamunuan ang buong bansa, isulong muna niya ang ikakabuti ng Bicol, lalo na ang kapakanan ng mga kababaihan.

Pagkakataon ito para kay Escudero na magpakitang gilas sa kanyang mga kababayan at hindi puro pangangampanya lamang ang pinagtutuonan ng pansin.

Dapat ay gamitin ni Escudero ang kanyang impluwensiya na maibaba, kung hindi man ganap na matigil ang insidente ng rape.

Alamin dapat ni Escudero kung ano ang meron sa Bicol kung bakit bukod tanging tumataas ang mga kaso ng rape sa rehiyon.

Hamon ito kay Escudero bago pa man na pangarapin na maging pangalawang pinakamataas na pinuno ng Pilipinas.

Read more...