12 milyon trabaho sa Japan, di totoo

KAPAG may oportunidad na nagbubukas sa iba-yong dagat upang tumanggap ng mga manggagawang Pilipino, sinasabayan naman ito ng mapagsamantalang mga kababayan natin.

Dahil sa matagumpay na Asia Pacific Economic Cooperation (Apec) summit kamakailan na dito mismo sa Pilipinas idinaos, hindi pa man nakakaalis ang mga lider ng mga bansang delegado, nag-anunsiyo na ng mga pagkakataong may trabahong aasahan ang ating mga kababayan sa kanilang mga bansa.

Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz malaking bilang ng ating mga kababayan ang kakailanganin ng mga bansang tulad ng Japan, Papua New Guinea, US, Australia, Canada, Korea at New Zealand.

Ang US at Japan ang sinasabing may mas malaking pangangailangan.

Sabi pa ni Baldoz, sa Japan lamang, maaring lumawak pa at may malaking oportunidad para sa mga Pilipino professionals ngayon, mas pinagaan ang entry requirements at sumulong pa ang mga pagsasanay pati na ang pagsasaayos sa mga working conditions ng ating mga Pinoy health workers sa pamamagitan ng PJEPA.

Inanunsiyo rin ng Japan ang pangangaila-ngan para sa mga household service workers sa Special Economic Zones ng Japan sa ilalim ng live-out arrangement. Na-ngangahulugang hindi sila titira sa kanilang mga employer at may sariling mga tutuluyan o uuwian sila.

Magsisimula lamang ito sa Osaka at Kanagawa prefectures sa pagtatapos ng 2015.

Ngunit sa panayam kay Secretary Baldoz ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer, nilinaw niyang hindi totoo na 12 milyon ang kailangan sa Japan. Walang katotohanan ‘anya ang kumakalat na balitang ito at hindi dapat paniwalaan ng ating mga kababayan.

Sinundan naman ito ng paalala ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na gagamitin lamang ng mga mapagsamantalang illegal recruiter ang pagkakataong ito upang makapambiktima na naman at makakulekta ng malaking halaga ng salapi bilang placement fee.

Pati na rin ang mga training school na nagbubukasan na naman u-pang magbigay ‘anya ng training para sa Japanese language.

Ayon pa kay Baldoz, kahit sila sa Department of Labor wala ring maibigay na eksaktong numero kung ilan nga ba ang kakailanganin sa Japan.

Kaya’t maghintay muna ‘anya ang ating mga kababayan ng opisyal na pahayag mula sa kanila sa DOLE hinggil sa mga patrabaho sa Japan.

Wala pa! At hindi totoong 12 milyong ang kailangan. Huwag kayong pabiktima.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali. Maaaring bisitahin ang website: bantayocwfoundation.org at mag-email sa bantayocwfoundation@yahoo.com o kaya sa susankbantayocw@yahoo.com
Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel:+632.899.2424

Read more...