Editorial: Sino ang isusunod kay Grace Poe?

MAHABA-HABA pa ang proseso bago pa tuluyang madesisyunan ang disqualification case ng presidential frontrunner na si Senador Grace Poe.

Sa botong 3-0, ibinasura ng second division ng Commission on Elections (Comelec) ang kandidatura sa pagkapangulo ni Poe, na ayon sa kanila ay nagbigay ng maling pahayag hinggil sa kanyang residency at sa status ng kanyang citizenship.

Ang kasong dinisisyunan na iaapela naman ng kampo ng senador ay isa lang sa apat na kasong isinampa sa Comelec na ang layunin ay harangin ang kandidatura ng nangungunang kandidato sa pagkapangulo.

Hindi na raw nabigla ang kampo ng senador sa naging desisyon ng Comelec. Gayunman, hindi pa rin anya sila nawawalan ng tiwala sa patas na proseso na gagawin ng buong Comelec sa sandaling dinggin ng en banc ang ihahain nilang motion for reconsideration.

Pero hanggang kailan aasa si Poe? Hanggang kailan tatagal ang kanyang pagtitiwala sa patas na proseso kung sa una pa lang ay may himig na ng pagdududa ang kanyang kampo sa mga taong didinig sa kanyang kaso.

May mga naniniwala na may mga “dilaw ang kamay” ang nasa likod ng desisyon laban kay Poe na siyang pangunahing tinik sa lalamunan ng kanilang pambato sa pagkapangulo.

At ngayong nasimulan na nilang harangin ang gagawing pagtakbo ni Poe, hindi na rin nakakapagtaka na iumang na rin nila ang kanilang operasyon laban sa dalawa pang kandidato na itinuturing din na tinik sa kanilang lalamunan.

Gaya na rin ng pakiwari ng kampo ni Poe, naniwala si Vice President Jejomar Binay na hindi malayong siya naman ang tuluyang “patahimikin” sa pama-magitan ng pagsasampa ng kaso at pagpapakulong sa kanya para hindi rin makatuloy sa pagtakbo.

Nakikini-kinita na rin ang gagawing pagharang sa pagtakbo sa pagkapangulo ni Davao City mayor Rodrigo Duterte. Gaya ni Poe, nahaharap din sa disqualification case si Duterte sa Comelec na nag-ugat sa certificate of candidacy nang pinalitan niyang si Martin Dino na imbes presidente ang inilagay sa kanyang COC ay mayor pala ang tatakbuhan.

Sa mga disqualification cases na ito at sa sinasabing pagpapakulong kay Binay dahil sa mga kasong plunder at graft na kinakaharap nito, sino nga ba ang mas makikinabang rito? Si Mar Roxas na pambato ng Liberal Party na hanggang ngayon ay nangu-ngulelat sa mga survey o si Senador Miriam Defensor Santiago na hindi pa mawari kung kaya talaga ng kalusugan para makatakbo sa halalan.

Kahit anong pagtanggi ang gawin ng administrasyon, ng LP, ang kanilang kandidato na si Roxas ang walang kaduda-dudang potensyal na makikinabang dito.

Ang inaasahan na lang siguro ng kampo ni Poe at siguro ni Binay na rin at ni Duterte ay magiging patas ang Comelec at hindi hahayaan na sila ay maimpluwensiyahan ng administrasyon o ng taong nag-appoint sa kanila sa posisyong kanilang hinahawakan ngayon.

Read more...