Staff ng senador inalila sa mansyon

HALOS maloka ang ilang staff ng isang senador dahil ang inaakala nilang bakasyon ay mauuwi pala sa kanilang bagong career bilang mga house helpers.

Sa katatapos na Asia Pacific Economic Cooperation (Apec) summit ay naging abala rin ang mga staff ng isang senador hindi sa pagdalo sa mga pulong kundi sa paglilinis ng lumang mansyon na pag-aari ng pamilya ng ating bida.

Dalawang araw ang kanilang iginugol para kuskusin, walisan at pa-kintabin ang mga sahig ng nasabing mansyon na tinirahan ng mambabatas noong siya ay bata pa.

Naunsyami ang kanilang mga lakad dahil sa kakaibang utos ng mambabatas na hindi naman kasama sa legislative agenda.

Puro pang-aasar din ang kanilang inabot mula sa iba pang staff ng ilang mambabatas na nagbabakasyon noong mga oras na iyun.

Hanggang ngayon ay hindi maka-move on ang grupo lalo’t malapit na naman ang session break baka nga naman paglinisin silang muli sa iba pang bahay ng mambabatas.

May nagsabi pa nga na baka sila na rin ang gagawing taga-laba ng mga damit ng mambabatas.

Hindi nila alam kung ano ang pumasok sa isip ng Senador at ginawa silang tagapaglinis ng bahay.

Kung mauulit man ito ay magdadahilan na lamang daw sila para hindi na muling danasin ang nasabing kakaibang project.

Mabait naman at maalaga sa kanyang mga staff ang mambabatas bagama’t medyo makunat nga lang kung minsan.

Tulad na lamang ng ginawang paglilinis sa mansyon ng senador, hindi sila binigyan ng extra payment maliban na lamang sa meryenda at pamasahe.

Please lang po, pakiusap nila, sana ay huwag na itong maulit.

Ang senador na ginawang tagalinis ng lumang mansyon ang kanyang mga staff noong Apec week ay si senador…..madaling hulaan, protektor siya ng kalikasan.

Read more...