LOS ANGELES — Nagdesisyon na si Kobe Bryant na magretiro matapos ang season at tatapusin niya ang kanyang 20-year career sa Los Angeles Lakers.
Inanunsyo ito ng 37-anyos na si Bryant sa isang post sa The Players’ Tribune kahapon kung saan nagsulat siya ng tula na may pamagat na “Dear Basketball.”
“My heart can take the pounding. My mind can handle the grind. But my body knows it’s time to say goodbye,” sinulat ni Bryant, ang third-leading scorer sa kasaysayan ng NBA. “And that’s OK. I’m ready to let you go. I want you to know now. So we both can savor every moment we have left together. The good and the bad. We have given each other all that we have.”
Mula sa high school sa Philadelphia ay dumiretso si Bryant sa Lakers noong 1996 kung saan nakakuha siya ng limang championship rings at 17 All-Star selections sa dalawang dekadang paglalaro sa prangkisa na siya ring pinakamahabang paglalaro sa isang koponan sa kasaysayan ng NBA. Ang top scorer sa kasaysayan ng Lakers ay nanalo rin ng dalawang Olympic gold medal.
Ang huling tatlong season ni Bryant ay maagang nagwakas bunga ng mga injury kung saan naglaro lamang siya ng 41 laro sa naunang dalawang taon. Nahirapan sa unang 15 laro ng season kasama ang karamihan ay mas batang kakampi, si Bryant ay tumira ng career-worst 32 percent shooting at nakakaramdam na rin ng pananakit at pagod halos araw-araw.
Ang mga fans na nanood kahapon sa laban ng Lakers at Indiana Pacers sa Staples Center ay nakatanggap ng sulat mula kay Bryant na nasa gold-embossed black envelope.