Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Globalport vs NLEX
7 p.m. Mahindra vs San Miguel Beer
MULING umakyat sa itaas ng team standings ang Rain or Shine Elasto Painters matapos nilang padapain ang Barangay Ginebra Kings, 94-86, sa kanilang 2015-16 Smart Bro-PBA Philippine Cup’s elimination round game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Kinamada ni Jeff Chan ang 14 sa kanyang 19 puntos sa ikaapat na yugto para tulungan ang Elasto Painters na mahablot ang ikatlong sunod na panalo at makasalong muli sa itaas ang pahingang Alaska Aces at defending champion San Miguel Beermen sa 6-1 rekord.
Bunga ng pagkatalo, napatid naman ang tatlong sunod na panalo ng Gin Kings, na nahulog sa 4-4 karta.
Si Jericho Cruz ay nagtapos na may 16 puntos habang si Maverick Ahanmisi ay may 13 puntos para sa Rain or Shine.
Si Japeth Aguilar ay nagtala ng 22 puntos habang si Greg Slaughter ay may 19 puntos para sa Barangay Ginebra.
Sa unang laro, tinambakan ng Globalport Batang Pier ang Blackwater Elite, 120-105.
Gumawa si Terrence Romeo ng 26 puntos habang si Stanley Pringle ay nagpakita ng all-around game sa ginawang 17 puntos, anim na rebounds, anim na assists at isang steal para sa Batang Pier na winakasan ang dalawang sunod na pagkatalo para umangat sa 4-3 kartada.
Nagtala si Doug Kramer ng double-double sa ginawang 15 puntos at 15 rebounds, si Joseph Yeo ay may 14 puntos at si Rico Maierhofer ay gumawa rin ng double-double sa kinamadang 12 puntos at 10 rebounds para sa Globalport.
Si Carlo Lastimosa ay kumana ng career-high 31 puntos habang si Raphy Reyes ay may 16 puntos para sa Blackwater na nahulog sa 1-6 karta.