HINDI in-expect ni Michael V na tatagal ng hanggang 20 taon ang gag show nilang Bubble Gang sa GMA 7. Inamin ni Bitoy na hindi rin naging madali para sa kanila na maabot ang lahat ng tagumpay ng BG sa nakalipas na 20 years.
Nitong nakaraang Biyernes nagsama-sama ang buong tropa ng Bubble Gang para panoorin ang inihandang documentary ng News And Public Affairs ng GMA para balikan ang mga natatanging episodes ng Bubble Gang mula nang umere ito 20 years ago na ginanap sa Cinema 1 ng Gateway Mall.
Ito rin ang ipinalabas last Friday sa timeslot ng Bubble Gang pero nauna na ngang ipinanood sa nasabing event na nagsilbi ring reunion ng mga bago at dating cast members ng BG.
Kasabay din nito ang launching ng “IM BG: The Bubble Gang 20th Anniversary Commemorative Comedy Chronicles” na mabibili n’yo na sa mga bookstores ngayon.
Bukod sa cast ng Bubble Gang, dumating din sa event si GMA President Atty. Felipe Gozon na very proud sa achievements ng longest running comedy gag show sa bansa.
Aniya, ang Bubble Gang ang tunay na Best Comedy show sa Pilipinas at sa iba pang bahagi ng mundo dahil sa patuloy na pagbibigay nito ng kakaibang ligaya sa manonood.
In fairness, nakakaaliw ang nasabing documentary special ng BG kung saan nagsilbing host si Mike Enriquez. Throwback kung throwback ang emote ng programa kaya hindi mo talaga maiwasan na magsenti at magbalik-tanaw din habang iniinterbyu ang mga dating miyembro ng cast tulad nina Aiko Melendez, Assunta de Rossi at Sunshine Cruz na mga teenager pa noon, pati na rin sina Diana Zubiri, Ara Mina at Francine Prieto.
Dito rin ipinakita kung paano nag-multi-tasking si Bitoy bilang actor, writer at creative director ng show. Mas lalo pa kaming bumilib kay Michael V nang isa-isahin na ang mga karakter na pinasikat niya sa gag show kabilang na ang makasaysayang si Yaya, Mr. Assimo, Tata Lino at marami pang iba.
At sino nga ba ang makakalimot sa mga MTV ni Bitoy kung saan binibigyan niya ng ibang lyrics ang mga OPM gamit ang iba-ibang personalidad na nagkaroon pa nga mg collection album.
Sa panayam ng award-winning broadcast journalist na si Jessica Soho kay Bitoy, sinabi ng komedyante na sa unang episode pa lang ay nahirapan na silang buuin ito, lalo na ang mga pinasikat nilang dance steps.
Bawat taping daw ay challenge sa kanila dahil pressure ang laging mataas na rating na nakukuha ng BG.
Chika pa ni Bitoy, inakala nilang ilang taon lang tatagal sa ere ang show pero nang mag-celebrate sila ng kanilang 10th anniversary doon na sila naniwala na mas tatagal pa ang Bubble Gang dahil naging Friday habit na nga ng mga Pinoy ang pagtutok sa kanila.
Admittedly, talagang adik kami sa Bubble Gang, bonding moment na rin kasi namin ng pamilya ang panonood sa show tuwing Biyernes. Kaya practically, part na ng family namin ang Bubble Gang kaya nga sabi namin kay Bitoy nang makachika namin siya bago magsimula ang advanced screening ng BG docu, ibang klase ang epekto ng powers ng gag show nila sa mga pamilyang Pilipino.
“Ang gusto lang talaga namin ay ang makapagpasaya ng mga kababayan natin kahit every Friday lang. ‘Yung after ng isang linggong pagtatrabaho o pagpasok sa eskwela ay makapagbigay kami ng kasiyahan at katatawanan sa kanila, at sana patuloy kayong maki-Bubble Gang sa mga susunod pang taon, ” sabi ni Bitoy.
Nag-guest appearance naman si Ogie Alcasid sa ginawang docu nina Mike at Jessica na isa sa mga original member ng cast na nag-resign sa BG matapos tanggapin ang offer ng TV5.
Ayon kay Ogie, forever nang nasa puso niya ang Bubble Gang at kahit wala na siya sa show hangad pa rin niya ang tagumpay ng award-winning gag show sa susunod pang 20 years.
Anyway, kumpleto ang buong cast ng show sa ginanap na BG event sa Gateway Cineplex, bukod kay Bitoy, nandoon din sina Antonio Aquitania, Chariz Solomon, Jackie Rice, Army Ross, Sef Cadayona, Boy2 Quizon, Max Collins, Juancho Trivino, Diego Llorico, Myka Flores, Denise Barbacena, RJ Padilla, Paolo Contis, Andrea Torres, Betong (na siya ring nagsilbing host), Jan Manual at Moymoy Palaboy.
Hindi namin sure kung dumating sina Rufa Mae Quinto, Mikael Daez, Sam Pinto at Gwen Zamora dahil nang umalis kami ay wala pa sila sa venue. Napapanood pa rin ang Bubble Gang bago mag-Saksi sa GMA.