Pasahero ng MRT, LRT di iboboto si Mar

NOONG Biyernes ay isa na namang higanteng parking lot ang Metro Manila. Lalo pang tumindi ang traffic dahil sa aberya ng LRT 1 noong kasagsagan ng rush hour.

Sa unang istasyon nito kung ikaw ay papunta sa south, ang Roosevelt station, makikita na ang napakahabang pila sa magkabilang direkyon ng hagdanan.

Umabot na sa gilid ng kalsada sa south bound at north bound ng Edsa sa Roosevelt ang pila papasok ng LRT at ang mga pasaherong hindi na nakatiis na maghintay para maayos ang technical glitch sa mga tren ay pinili na lamang makipagsapalaran sa daan at sumakay sa mga pampasaherong sasakyan makarating lamang sa kanilang pupuntahan.

Pero halos wala ring galawan ang mga kalsada dahil sa tindi ng trapik at hindi magkamayaw ang mga pasahero na nag-aabang sa mga kalsada para lamang makasakay.

Noong Huwebes, bagamat hindi kasing lala ng eksena sa LRT noong Biyernes, halatang iilan lamang ang bumibiyahe na mga tren.

Napakaraming pasaherong nagtiyagang nakapila sa LRT na papunta naman ng northbound sa oras ng rush hour sa gabi.

Ang tagal ng pagitan ng pagdating ng mga tren at magtataka ka kung bakit kada istasyon ay napakatagal itong humihinto gayong wala namang tren sa unahan.

Hindi na dapat magtaka ang administrasyon kung bakit hindi tumataas ang rating ng mga pambato nito sa 2016 elections, partikular sa Metro Manila.

Kung pagbabasehan ang pinakahuling survey ng Pulse Asia, nakakuha lamang si Mar Roxas ng 11 porsiyento.

Magtataka pa ba siya? Bakit hindi subukan ng gobyerno na pagandahin ang serbisyo ng MRT at LRT, at tiyak kong aangat ang rating ni Roxas.

Kanino ba nakakabit ang palpak na operasyon ng MRT at LRT at maging ang problema sa trapik sa Metro Manila? Hindi ba’t kay Transportation Secretary Emilio Joseph Abaya?

Kapag binanggit mo naman ang pangalan ni Abaya, hindi maiiwasan na maikabit siya sa pangalan ni Roxas dahil sa kilalang pagiging malapit nila.

Hindi ba’t may usapan na lahat ng desisyon sa DOTC, nanggagaling pa rin kay Roxas sa kabila na si Abaya na ang nagpapatakbo nito.

Sa kanyang pagharap sa media Inquirer Multi Media kamakailan, todo-depensa si Roxas kay Abaya sa pagsasabing may sarili itong pag-iisip at diskarte na hindi niya kailangang panghimasukan.

Ang problema lamang, parte na ng negatibong epekto ng pagiging malapit nina Roxas at Abaya ay naiiugnay ang lahat ng kapalpakan ng huli sa presidential bet ng Liberal Party.

Kaya kung gusto ni Roxas na mapalapit sa masa, huwag niyang ipagmalaki na una siyang sumakay ng MRT kumpara sa tumatakbo ring si Sen. Grace Poe.

Kung alam ni Roxas ang pakiramdam ng sumasakay sa mga tren ng MRT at LRT, dapat din na isulong niyang mapaganda ang serbisyo rito dahil sa kanya rin ang bagsak ng masamang serbisyo nito dahil sa pagiging synonymous kay Abaya.

Kahit ano pa ang pag-iwas ni Roxas na maikabit kay Abaya, anino na niya ito na nagpapapangit sa kanyang imahe.

Hindi batayan ang beep card sa pagganda ng serbisyo ng MRT at LRT.

Maganda nga ang proyektong ito kung panay pa rin ang aberya sa mga tren ng LRT at MRT, wala pa rin itong epekto.

Sa dami ng sumasakay sa MRT at LRT na dismayado sa serbisyo, mas may malaking rason na hindi iboto si Roxas kayat nararapat lamang na ito ang isa sa pagtuunan niya ng pansin.

Read more...