Lalaking tumakas sa employer sa Saudi OK lang daw magpalaboy-laboy

MADALAS na napapabalita na mga babaeng OFW ang tumatakas sa kanilang malulupit na employer.

Pero meron ding mga lalaking OFW ang tumatakas din sa kanilang mga amo.

Ano nga ba ang pagkakaiba kung babae o lalaki ang tumatakas sa kaniyang employer?

Gaya nitong si Steve na OFW sa Saudi na tumakas sa amo at napabalitang natulog sa tabi ng dagat.

Kwento ni Steve, napilitan siyang tumakas dahil iba ang pinatatrabaho sa kanya. Isa siyang tubero, ngunit pagdating sa Saudi, ginawa siyang tile setter.

Aminado si Steve na hindi niya alam ang trabahong iyon. Napakalayo ‘anya sa pagi-ging tubero.

Palibhasa’y walang sapat na kaalaman at karanasan sa pagiging tile setter, pinagbayad pa siya ng amo sa mga tiles na hindi niya naikabit ng tama.

Walang magawa si Steve kundi ang lumapit sa ating embahada ng Pilipinas upang magpasaklolo doon. Humingi siya ng tulong sa Philippine Overseas Labor Office (POLO).

Ikinagalit ito ng kanyang amo, at tila tinakot siya at sinabing meron itong kapatid na pulis.
Natunugan niyang palalayasin din naman siya ng amo kung kaya’t sa takot, agad siyang tumakas.

Ang malungkot na balita, hindi siya maaa-ring patuluyin sa ating embahada o temporary shelter man. Hindi raw pwede ang lalaki rito.

Di katulad ng mga kababaihan, may temporary shelter na maaaring tuluyan nila sa mga panahong tumakas sila sa kanilang mga amo.

Kaya’t napilitang matulog na lamang sa tabing dagat si Steve. Wala na rin namang trabaho, kung kaya’t nais na lamang niya na makauwi ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.

Ngunit hindi rin madali ang makauwi sa Pilipinas, sa ganoong sitwasyon.
Kapag tinakasan ng isang OFW ang kaniyang employer, mas gigipitin nila ito. Alam kasi nilang sila rin ang magiging susi kung makakauwi o hindi ang OFW.

May batas kasi sa Saudi na tanging ang employer lamang ang siyang makapagbibigay ng exit clearance upang makakuha ng exit visa ang OFW palabas ng Saudi.

Ito ang madalas na problema ng ating embahada at konsulado sa Saudi Arabia. Nahihirapan silang makakuha ng exit visa para sa ating mga kababayang wala nang trabaho doon, lalo pa kung hindi na matagpuan o tinakasan na rin ng mga employer ang kanilang mga manggagawa at sadyang gipitin ang mga iyon na hindi makauwi ng Pilipinas.

Tanong nga ng Bantay OCW nang una na-ming marinig na bawal patuluyin ang mga lala-king OFW… Sagot ng ating opisyal .. Mga lalaki naman sila, at hindi masyadong delikado para sa kanila na magpalaboy-laboy.

Hindi kami makapayag sa ganoong pa-ngangatuwiran. Ang sa amin, mapalalaki o babae man, at kahit ano pang lahi, buhay ang sinasalba nila kung agad matutulungan ang mga iyon. At ang pagpapatuloy ay unang hakbang lamang para mabigyan ng proteksyon ang isang taong natatakot. Kaya nga tumakas dahil may kinatatakutan.

Sana may mabago sa patakarang iyan na ba-wal magpatuloy ng mga lalaki sa ating mga temporary shelter.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali.
Para sa mga tanong maaaring tumawag o mag-text sa 0998.991.BOCW.

Read more...