Joey, 3 lola ni Yaya Dub pasok na rin sa MMFF entry nina Ai Ai at Vic

AI AI DE LAS ALAS, ALDEN RICHARDS, MAINE MENDOZA JOEY REYES AT VIC SOTTO

AI AI DE LAS ALAS, ALDEN RICHARDS, MAINE MENDOZA, JOEY REYES AT VIC SOTTO

INAASAHAN nang magiging super blockbuster hit ang 2015 Metro Manila Film Festival entry nina Vic Sotto, Ai Ai delas Alas, Alden Richards at Maine Mendoza na “My Bebe Love: Kilig Pa More!”

Aminado ang ilang artistang may entry din sa darating na filmfest na napakalakas nang kalaban nina Bossing at Ai Ai, at siguradong mas titindi pa ang powers nito sa takilya dahil sa pagkakasali ng phenomenal loveteam ng AlDub.

Ayon mismo sa apat na bida, tiyak na mas lalong ma-eenjoy ng bawat pamilyang Pinoy ang holiday season kapag napanood nila ang “My Bebe Love” simula sa Dec. 25.

Bukod sa mga nakakaloka at nakakatawang eksena sa pelikula, sure na sure raw na mai-inspire, mai-in love at kikiligin ang mga manonood paglabas nila ng mga sinehan.

Siniguro nina Jose Javier Reyes at Bibeth Orteza (sumulat ng kuwento) na ibang-iba ito sa mga nakaraang entries nina Bossing at Ai Ai, talagang pinag-isipan nilang mabuti kung paano mas mapapaligaya ang mga Pinoy sa darating na Kapaskuhan.

Hindi rin daw mabibitin ang publiko sa mga pabebe at pakilig scenes nina Alden at Maine, ayon mismo kay Joey Reyes na siya ring direktor ng “My Bebe Love: Kilig Pa More!” produced by OctoArts Films, M-Zet Television Productions, Inc., APT Entertainment, GMA Films at Meda Production.

Dito rin daw patutunayan nina Alden at Maine na hindi lang sila pang-Eat Bulaga at pang-Philippine Arena kundi pang-MMFF din. Sa trailer pa lang ng pelikula ay na-curious na ang mga Dabarkads sa magiging role ng AlDub at kung paano sila makikipagsabayan sa galing nina Ai Ai at Bossing sa comedy.

At kung hindi pa sapat para sa inyo ang apat na bida ng “My Bebe Love: Kilig Pa More!”, join din dito sina Joey de Leon, ang tatlong lola sa kalyeserye ng Eat Bulaga na sina Paolo Ballesteros, Jose Manalo at Wally Bayola, with the special participation of Ryzza Mae Dizon.

Gaganap sina Vic at Ai Ai bilang sina Vito at Cora na magiging magkaribal sa kani-kanilang special events and productions business. Mas titindi ang kanilang bangayan nang makarating sa kaalaman nila na nagkakamabutihan na sina Anna (to be played by Maine) na anak ni Vito, at Dondi (gagampanan ni Alden), ang gwapong pamangkin naman ni Cora.
Magkakaroon ng kasunduan ang magkaribal sa negosyo para pigilan ang pagmamahalan ng kani-kanilang alaga ngunit biglang mababago ang ihip ng hangin kapag nalaman nina Vito at Cora na nahuhulog na rin ang loob nila sa isa’t isa.

At ang magiging big twist ng pelikula – sa bandang ending, sina Alden at Maine naman ang gagawa ng paraan para hindi magkatuluyan sina Bossing at Ai Ai. Bongga, di ba? Kaya tiyak na riot ito!

Sigurado na kaming tatabo sa takilya ang MMFF entry na “My Bebe Love: Kilig Pa More!” na showing na sa Pasko dahil ngayon pa lang ay atat na atat nang manood ang milyun-milyong miyembro ng AlDub Nation at AlDub Universe.

Read more...