NALIMITA ng Far Eastern University Tamaraws ang University of Santo Tomas Tigers sa dalawang puntos sa huling anim na minuto para magwagi, 75-64, sa Game One ng UAAP Season 78 men’s basketball Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sinayang ng Tamaraws ang 14-puntos na kalamangan at naghabol sa 62-61 iskor bago isinara ang laro sa pamamagitan ng 14-2 ratsada sa huling tatlong minuto at 40 segundo ng laro.
Ang driving layup ni Mike Tolomia ang tuluyang nagbigay ng kalamagan sa FEU, 63-62, bago nakagawa ng magkasunod na turnovers ang UST na naghatid sa isang dunk ni Prince Orizu at layup ni Tolomia para lumobo ang kalamangan ng Tamaraws sa 71-62 may 1:20 ang nalalabi sa laban.
Ang Game Two ay gaganapin ngayong Sabado sa Smart Araneta Coliseum kung saan tutumbukin ng Tamaraws ang kauna-unahang kampeonato magmula noong 2005.
Si Louie Vigil ang nagbigay sa Growling Tigers ng 62-61 bentahe may 5:55 ang natitira sa laro subalit ito na ang naging huling basket ng UST sa huling limang minuto bago nakaiskor si Jamil Sheriff may 30 segundo na lamang ang nalalabi sa laro.
Pinangunahan ni Roger Pogoy ang FEU sa kinamadang 15 puntos, 13 sa first half, kung saan itinayo ng Tamaraws ang 14-puntos na kalamangan. Si Tolomia ay nagdagdag ng 14 puntos at pitong rebounds habang si Mac Belo ay nagposte ng double-double sa ginawang 13 puntos at 13 rebounds.
Nakatulong din ng malaki para sa FEU si Orizu, na ipinamalas ang pinakamagandang paglalaro ngayong season para sa kanyang koponan, sa ginawang 10 puntos at siyam na rebounds.
Umiskor si Karim Abdul ng game-high 19 puntos habang si Kevin Ferrer ay nag-ambag ng 15 puntos para sa UST na nabigong makakuha ng suporta mula kina Vigil, Mario Bonleon at Ed Daquioag para tapatan ang malalim na bench ng FEU.